Matapos mapuno ni Maja Salvador ang Music Museum sa kanyang first attempt sa concert scene sa pamamagitan ng kanyang Maj The Legal Performer at the Music Museum, napakalaking attempt naman ang kanyang susuungin dahil sa kanyang upcoming major concert na gaganapin sa SM MOA Arena on November 16 na pinamagatang MAJAsty kung saan niya makakasama bilang special guests sina Piolo Pascual, Paulo Avelino, Enrique Gil, JC de Vera, Enchong Dee, Rayver Cruz at Kakai Bautista kasama ang Hotlegs at G-Force.
Gusto rin sana ni Maja na maging guest performer ang kanyang co-actor sa Ang Probinsyano na si Coco Martin pero may taping umano ito sa araw ng kanyang concert pero umaasa pa rin siya na sosorpresahin pa rin siya nito (Coco).
Nang tanungin si Maja kung balak ba niyang imbitahan sa kanyang concert ang kanyang mga naging ex-boyfriend like Matteo Guidicelli at Gerald Anderson, sabi nito na wala naman daw problema basta lang bumili sila ng tickets.
Walang problema kay Maja kung makatrabaho man siya balang araw sina Matteo at Gerald dahil pare-pareho naman daw silang professional actors.
Chavit balik din sa pagpu-produce ng pelikula
Aware ang businessman at dating gobernador ng Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson na maraming artista ang na-displaced nang humina ang movie industry since 1997 at ilang mainstream producers na lamang ang natitira.
Dahil dito, gusto ng businessman-politician na i-revive ang kanilang movie production para mag-produce ng mga pelikula na siyang makakapagbigay ng trabaho laluna sa mga small workers ng industriya.
Bukod sa dating Pangulo at ngayon ay mayor ng Maynila na si Joseph “Erap’” Estrada, very close si Manong Chavit sa namayapang movie king na si Fernando Poe, Jr. na marami ring industry people ang natulungan noong ito’y nabubuhay pa.
Sa Baluarte ni Manong Chavit nag-celebrate ng kanilang silver wedding anniversary sina FPJ at Susan Roces at naroon pa rin sa Baluarte ang respective rooms nina Erap at FPJ ganundin ang iba pang malalapit na kaibigan sa businessman-politician.
Ayon kay Manong Chavit, wala na umano siyang balak na ipagpatuloy ang pagiging isang politiko at gusto na lamang daw niya ito ipaubaya sa kanyang mga anak na sina Rep. Ronald at Gov. Ryan. Mas gusto niya na magfocus na lamang sa kanyang napakaraming negosyo at kasama na rito ang pagpu-produce ng mga pelikula at TV show sa pamamagitan ng Happy Life, isang travel at public service show na nakatakdang umere sa GMA News TV sa susunod na buwan.
“I have been in the public service since 1972 kaya ipauubaya ko na lamang ito sa mga anak ko at sa younger generation,” pahayag ni Manong Chavit na napapabalitang siyang magiging next major stock holder ng GMA 7.