Daniel pumiyok na sa kumpetisyon nila ni James Reid

Excited na si Daniel Padilla na makaboto sa 2016 May election. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagparehistro at makaboboto ang aktor para sa halalan. “Ako siyempre very excited. Unang-una, karapatan nating bumoto. Ang bawat tao may karapatang bumoto. Sino bang mamimili sa mga dapat mamahala kung ‘di tayo rin naman. So very excited ako, isa siyang privilege gawin,” nakangiting pahayag ni Daniel.

Samantala, hindi pa rin maiwasang maikumpara ang tambalan ng binata at Kathryn Bernardo sa iba pang magkakapareha sa Kapamilya network. Ang dalawa pang itinatapat sa KathNiel ay ang tambalan nina James Reid at Nadine Lustre o ang JaDine at Liza Soberano at Enrique Gil o ang LizQuen.

Hanggang maaari ay ayaw daw ni Daniel na magkaroon ng kumpetisyon sa pagitan nila. “Ever since naman na nagsisimula ako, ayoko ng kumpitensya. Kasi nga matagal ko na ‘tong sinasabi sa mga fans ko, lalo na sa fans namin ni Kathryn, huwag nating inaaway ang sariling atin. Kaysa naghihiwa-hiwalay tayo, mas masarap kung nagsasama-sama tayo. Nasa isang network tayo, bakit tayo mag-aaway-away?” paliwanag ni Daniel. “Saka sa personal naman, hindi naman kami magkakaaway. Kaibigan ko rin ‘yang mga ‘yan. Kaya ang awkward din na naglalaban tapos kami-kami rin nag-uusap,” dagdag pa niya.

Hindi rin sumasang-ayon si Daniel sa mga tagahanga na naninira sa ilang mga artista. “Hindi ko maintindihan kung bakit may gumagawa pa niyan. Bad vibes ‘yun eh, pangit ng trip na gano’n. Wala kang happiness do’n. Nagkakaroon ka lang ng mga points papuntang impiyerno,” giit pa niya.

Roxanne hindi na magpapaseksi sa proyekto

Balik-Kapamilya na si Roxanne Guinoo dahil kabilang ang aktres sa teleseryeng Walang Iwanan. Magkahalong emosyon ang nararamdaman ngayon ng aktres sa muli niyang paggawa ng serye. “Masaya and excited and siyempre proud kami sa project na ‘to, dahil alam namin na mamahalin ng viewers. Kasi realeserye talaga siya. First time gumawa ng ABS-CBN ng nangyari sa totong buhay,” bungad ni Roxanne.

Matatandaang pansamantalang iniwan ng aktres ang show business mula nang mag-asawa at magkaroon ng dalawang anak. “Eldest ko po 5 years old na. ‘Yung second ko boy, turning 3. Matagal din po talagang napahinga kasi kailangan talaga ang involvement ng parents sa mga anak eh. ‘Yung time na maliliit sila, dinedicate ko ‘yung panahon na ‘yun para ako ‘yung tumutok sa mga anak ko,” paliwanag ni Roxanne.

Hindi raw pinipigilan ng asawa ng aktres ang kanyang pag-aartista at sa halip ay suportado siya ng kanyang mister. Hindi na rin magpapaseksi si Roxanne sa kanyang mga gagawing proyekto. “Hindi naman siya kontra sa ginagawa ko at kami naman everything na gagawin pinag-uusapan naming dalawa.

“’Yung mga maseselang eksena hindi na for me ‘yun eh. Ibigay na natin sa iba kasi may mga anak na ako. Ang gusto kong mapanood ng anak ko ‘yung walang bahid ng kung ano,” pagtatapos ng aktres.

Show comments