MANILA, Philippines – Parang magandang araw kahapon sa Feng Shui ang pagpa-file ng certificate of candidacy dahil maraming nagdagsaan sa COMELEC.
Siyempre nanguna sina Sen. Kiko Pangilinan kasama ang misis na si Sharon Cuneta at mga anak.
Nag-file rin kahapon si Sen. Ralph Recto kasama naman si Gov. Vilma Santos at anak nilang si Ryan Christian.
Ganundin ang inactive actress na si Alma Moreno na kakandidato ring senador.
Maging si Pasig Cong. Roman Romulo, hubby ni Shalani Soledad ay nag-file rin ng candidacy kasama ang kanyang amang si dating DFA Sec. Alberto Romulo at misis. Ang balita, kasama si Cong. Roman sa tambalan nina Sen. Grace Poe and Sen. Chiz Escudero.
Pero ang hinihintay mag-file ng COC ay ang boxing champion na si Cong. Manny Pacquiao. Hinihintay din ang pagpa-file ni Edu Manzano na kakandidato ring senador. Wala pa siyang partido pero may sitsit na malamang na makasama rin siya sa line up nina Sen. Grace.
Nag-file rin si Mark Lapid na kakandidato ring senador kasama ang amang si Sen. Lito Lapid, Sen. Tito Sotto with wife Tita Helen Gamboa.
Pero sa true lang, ang isang nakakairita na (ha ha ha) ay si Mayor Duterte. Matapos magpa-presscon noong Lunes at sabihin na ayaw ng anak niyang si Sara na kumandidato siya, nagpakalbo naman ang anak para suportahan ang sinasabing udyok na kumandidatong presidente ang kanyang ama na naglibut-libot na sa maraming bahagi ng bansa na obviously ay para mangampanya.
Baka naman wala pa kasing nagko-commit ng financial support kay Mayor Duterte kaya tuloy ang pagpapa-hard to get nito?
Oh well, bakit naman kasi pinipilit si Mayor D kung talagang ayaw niya? As of yesterday afternoon, parang almost 40 na ata ang kakandidatong president. So doon na lang tayo sa mga gustong kumandidato.
Luis natakot mabaon sa utang kaya umayaw sa pulitika
Hanggang tomorrow na lang, Friday, ang filing of candidacy although hanggang December pa puwede ang replacement sa mga kandidato, sinabi na ni Luis Manzano na 60-40 na ang chance na kumandidato siya.
“It’s 60:40, 60% na medyo baka hindi muna [ako tatakbo] because I’m going to be very busy for the first six months of 2016. It’s going to be very difficult to campaign. Kung sakali mang palarin, manalo, it’s going to be very unfair for the voters na binoto ako tapos mas busy ako sa showbiz. Nakakahiya naman sa mga botante,” sabi ng actor-TV host sa ABS-CBN.com kung bakit malabo siyang pumasok muna sa pulitika.
“I see how people come up to my mom and my mom tumutulong siya from her pocket. Ako hindi ko pa kaya ‘yun. Kaya ko ‘yun pero baon ako sa utang after ng first term ko. I’d rather have enough money, be more stable than run. If ever that I need to use my own money to help people, mas okay,” paliwanag niya sa pagiging hindi niya pa handa.
Pero all out naman ang magiging suporta niya sa kanyang mommy na sa kongreso naman ang kakandidatuhan matapos ang tatlong termino bilang gobernador ng Batangas.
Bilib naman siya sa kanyang amang si Edu Manzano na nagdeklarang kakandidatong senador.
“He said he’s running. I have faith in my dad. I know his integrity. He’s been vice mayor of Makati. He’s been the chairman of the OMB. He knows his way around the political arena kahit papano. No one can ever question my dad’s integrity. He definitely gets my vote,” pahayag ni Luis tungkol sa ama.
Si Gov. Vi ang unang nagsabi na hindi nga kakandidato si Luis.
Jadine mainit ang labanan sa 2015 MTV Europe Music Awards
Literal na flying high ang career nina James Reid and Nadine Lustre.
Una silang nagpakitang gilas sa pelikula, hindi lang isang beses, kundi tatlong beses. Mula sa Diary ng Panget, Talk Back and You’re Dead, and Para sa Hopelss Romantic. In all fairness, lahat ‘yun kumita.
Sinunod nila ang music charts nang pumatok ang duets nila, alongside ng individual hit songs. At ngayon, sila ang pinapatok sa primetime serye ng ABS-CBN - On the Wings of Love.
Bukod sa mataas na rating at million na tweets, solid ang suporta sa kanila ng OTWOlista na nagbunyi nang malaman na extended until next year ang nasabing series.
Mas marami pa ang naaadik sa OTWOL. Ito lang daw kasi ang serye na walang tarayan, walang pasabog o sigawan. Sakto lang lahat ang drama, kilig at kuwento kaya marami talagang hooked.
At pinakaimportante ang acting nila. Ipinakita nina James at Nadine na nakakaarte talaga sila. In fact, sa iyakan, nakakabilib sila. Natural na natural.
Kaya naman kasama ang dalawa sa most in demand young endorsers in the country. At bibilib ka naman sa kasipagan nila dahil nalalagare nila ang taping at shooting ng iba’t ibang endorsement.
Minsan nga raw, taping break na lang ang pahinga ng dalawa pero waley reklamo. Go lang daw nang go.
At ang isa pang puwedeng i-consider na major achievement ng JaDine ay ang individual nominations as Best Southeast Asia Act in the 2015 MTV Europe Music Awards. Ito ay dahil sa kanilang individual album na parehong bumenta online at hard copy.
At ngayong December, kasama sila sa pelikulang Beauty and the Bestie starring Vice Ganda, Coco Martin, and child wonder, and fellow Viva artist, Alonzo Muhlach na entry sa 2015 Metro Manila Film Festival.
Matagal-tagal na actually sa showbiz ang dalawa, si James grand winner sa PBB (Pinoy Big Brother) at si Nadine ay nakasama sa isang singing group. Pero nakita ni Mr. Vic del Rosario ang potential sa kanila kaya talagang pinush niya na gawing bida sa Diary ng Panget. Si Mr. del Rosario na talaga ang maituturing na henyo ng showbiz dahil may kakaiba siyang dama sa mga artista. Alam niya ang mga sisikat at hindi.