Napakasuwerte ni Albie Casiño na after his controversial episode with Andi Eigenmann kung saan ay kinailangan niyang mawala para mapalamig ang isyu, matagumpay na nabalikan nito ang kanyang pag-aartista sa tulong nina James Reid at Nadine Lustre. Gumaganap siyang kontrabida ng loveteam at dahil galit na galit sa kanya ang fans at followers ng dalawa ay binansagan siyang Pambansang Bully.
Masaya ang nagbabalik na artista dahil isang magandang serye ang nasamahan niya na aabot pa sa Valentine 2016 ang pag-ere. Kasama rin siya sa isang presscon na ginanap para sa On The Wings Of Love at nag-thank you sa patuloy na suporta ng manonood at maging ng media.
Kahit kontrabida ang role niya sa OTWOL ay masaya si Albie dahil alam niyang effective ang ginagawa niyang pagganap.
Matutuwa ang viewers ng OTWOL dahil sa pagpapatuloy ng serye, hindi muna mamamalas si Jigs (Albie) at hindi na makapanggugulo sa relasyon nina Clark (James) at Leah (Nadine) na parehong nakauwi na ng bansa.
Dapat samantalahin ng manonood ang absence ng kontrabida sa “mag-asawa” na mayro’ng isang bagong kontra sa kanilang relasyon in the person of Joel Torre, Leah’s father in the series.
James at Nadine dapat maging maingat
Bagaman at hindi pa maungusan o mapantayan ng JaDine ang kasikatan ng KathNiel nina Kathryn Bernado at Daniel Padilla, dapat maging masaya sila at proud sa pagtangkilik at suporta ng mga miyembro ng entertainment press. Lumabas ang labis na paghanga sa loveteam ng media sa pinakahuling presscon na ginanap para sa serye.
Appreciated ng media ang pangyayaring lahat ng magkaka-loveteam ay may mga tunay na relasyon o papunta pa lamang doon, pero sina James at Nadine ay talagang magka-loveteam lang at walang namamagitang relasyon maliban sa friendship.
Para mapaniwala ng JaDine ang press na pwede silang maging isang matagumpay na couple kahit walang relasyon, iwasan nilang makita sila na may ibang kasama na mortal sin sa kanilang tambalan.
Kapag kasi magkasala sila, siguradong ang press ang unang kokondena sa kanila.
Walang Iwanan, base sa tunay na buhay
May bago na namang grupo ng mga kabataan ang nadiskubre ang Kapamilya Network na mapapanood sa bagong seryre kapalit ng Nasaan Ka Nang Kailangan Kita? Sila ang limang kabataan na dalawa lamang ang may pamilyar na mukha at pangalan, sina Louise Abuel at Raikko Mateo. Ang tatlo naman ay maituturing na very raw at sa Walang Iwanan lamang magpapakilala. Ang tatlo ay nakuha mula sa isang screening na ginawa ng ABS-CBN.
Isang true story ang Walang Iwanan tungkol sa pitong magkakapatid, pero ginawa lamang na lima sa serye.
‘Yung role ni Louise na si Jose ang pinanggagalingan ng istorya ng mga bata na naiwan ng kanilang mga magulang para suportahan ang isa’t isa. Siya ang anak sa labas ng character ni Roxanne Guinoo na inuwi niya ng bahay, pero hindi tinanggap ng kanyang asawa na ginagampanan naman ni Jhong Hilario. Maging ang panganay ng mag-asawa ay nagalit at nagselos kay Jose dahil nakuha nito ang posisyon niya sa bahay bilang panganay. Ang istorya ni Jose ay naitampok sa Maalaala Mo Kaya. Nagkaro’n ng inspirasyon ang mga nasa likod ng Walang Iwanan na gawin itong isang teleserye na magsisimua nang mapanood sa susunod na linggo.
Matuwa na lamang tayo na malaman na lahat ng mga bata sa istorya ay lumaking matatag at karamihan ay naninirahan na sa abroad.
Sam seryoso sa non-showbiz girl na nililigawan
Ewan kung ano’ng description ang pwedeng ikabit kay Sam Milby na sa anim na taon ay nagawang maging masaya kahit walang nababalitang girlfriend. Maliban kay Anne Curtis na ganun katagal na rin niyang nakahiwalayan.
Balita na rin ang pagkakaro’n niya ng interes sa kanyang leading lady sa The PreNup na si Jennylyn Mercado na ang relasyon sa ex nitong si Dennis Trillo ay neither on or off at walang kasiguraduhan.
Kay Jennylyn pa ba manggagaling ang first move?
Sa kasalukuyan ay may isang non-showbiz girl na siyang sinisimulang ligawan sa pamamagitan ng sulat. Maganda naman ang takbo ng kanyang courtship kaya hopeful si Sam at maging ang lahat na bago matapos ang taon ay makakakita na ito ng girlfriend.