Maraming taon na ang nakalilipas nang maganap ang isang senaryong hanggang ngayo’y hindi pa rin nakakalimutan ng dating manager ng isang magandang aktres.
Parang tunay na anak nang itinuring ng manager ang kanyang alaga, nagtatampo na nga ang kanyang mga anak dahil mas madalas pa niyang nakakasama ang magandang aktres kesa sa mga sarili niyang dugo, pero sa wala pa rin pala mauuwi ang malasakit at pagmamahal na ibinigay niya sa babaeng pesonalidad.
Nang gumawa ng proyekto sa ibang bansa ang magandang aktres ay matinding sakripisyo ang inabot ng manager. Napakalaki ng kanyang sariling kama pero nagtiis siyang matulog sa sahig para lang maging kumportable ang alaga niya.
Siya ang plus one ng aktres, mahigpit ang produksiyon, hindi puwedeng magsama ng alalay ang kahit sinong artista. Bilang plus one ng kanyang alaga ay ang manager ang pumapel nitong alalay sa loob nang dalawang linggo.
Sabi ng aming source, “Hindi kagandahan ang tabas ng dila ng batang ‘yun. Looks can be deceiving talaga. May mga taong parang hindi makabasag-pinggan, pero masi-shock ka na lang, sila pa pala ang may kabastusan!
“Tulad ng magandang aktres na ‘yun! Wala siyang respeto sa manager niya. Porke ba kumikita ‘yung tao sa kanya, e, ganu’n na lang ang pagtrato niya?
“Pero sa mga interview, e, napakadaya ng itsura niya. Parang hindi siya makapatay ng kahit langaw o langgam lang. Pero sa totoong buhay, e, maldlita siya, kapos pa sa breeding!
“Para siyang anghel sa biglang tingin, pero kapag nakasama mo na siya nang matagal at nadiskubre mo na ang tunay niyang ugali, naku, napakasarap niyang tampal-tampalin!” kuwento ng impormante.
Ubos!
Paningin mahirap nang maibalik April Boy kinukuwestiyon na naman ang Diyos
Binalot na naman nang matinding depresyon kamakailan si April “Boy” Regino. Ayaw na naman niyang kumain, iyak na naman siya nang iyak, awang-awa ang Jukebox King sa kanyang sarili.
Nangyari ‘yun pagkatapos ng pinakahuli niyang check-up, sinabihan siya ng kanyang eye specialist na mahihirapan nang magbalik ang dati niyang paningin, naging matindi pala ang pagkasira ng mga ugat sa magkabila niyang mata.
Pag-amin ng magaling na singer, “Kinuwestiyon ko na naman po ang Diyos. Nanghina na naman po ang faith ko. Tao lang naman po kasi ako na kapag pinanghinaan ng loob, e, inaatake talaga ng depresyon.
“Pagkatapos ko pong tanungin ang Diyos, nagsisisi po ako. Magdarasal naman po ako para humingi ng tawad sa Kanya. Sabi ko, pakiunawa Niya na lang sana na tao lang akong marupok,” sabi ni April Boy.
Napakadakila ng kanyang misis na si Madel. Ito ang tagatanggap ng mga reklamo at hinaing ni April Boy. Ito ang nasisigawan kapag dumarating na ang kanyang mister sa puntong nawawalan na ng pag-asang makakitang muli.
Naaawa na si April Boy sa kanyang misis, kailanman daw ay hindi siya pinabayaan ni Madel, pero ganu’n pa ang kanyang isinusukli. Napakahaba ng pasensiya ng kanyang misis, naiintindihan ni Madel ang pinagdadaanan ng kanyang mister, hindi ‘yun simpleng tanggapin ng kahit sino.
May pag-asa pa, sabi ni Madel kay April Boy, basta huwag lang siyang bibitiw sa kanyang pananampalataya na tanging Diyos lang ang makapagpapagaling sa kanya.
Harap-harapan pang payo ni Madel sa kanyang mister, “Akala mo lang, sa amin ka humuhugot ng lakas ng loob, pero baligtad. Kami ang humuhugot ng pag-asa sa iyo. Makita ka lang naming hindi umiiyak, masaya na kami ng mga anak mo.
“Kapag nakikita ka naming umiiyak at pinanghihinaan ng loob, mas nanghihina kami. Tulungan tayo, walang ibang magdadamayan kundi tayu-tayo lang,” mahinahong sabi ng misis ng Jukebox King.
Haaaaayyyy….