PIK: Kapansin-pansin ang pagpayat ni Carla Abellana nang dumalo ito sa 10th anniversary ng ATC Healthcare na ginanap sa Makati Shangri-La nung nakaraang Sabado ng gabi.
Isa si Carla sa mga celeberity endorsers ng ATC Healthcare kasama sina Kim Chiu, Nikki Gil, Amy Perez, at kailangang magpapayat ni Carla dahil napakapayat ni Kim kung tumabi ito sa kanya.
Sabi ni Carla, pinaghahandaan daw niya ang nalalapit niyang teleserye kung saan makakasama niya si Gabby Concepcion.
PAK: Bongga pala ang bahay na ipinapatayo nina Vic Sotto at Pauleen Luna sa isang exclusive village sa Laguna.
Kuwento ni Pauleen, ang mga bintana ng naturang bahay ay ipinagawa pa pala sa Amerika.
“Kailangan kasi dahil…kailangan matibay ‘yung windows. Kasi hindi maganda ‘yung nagtitipid ka sa isang bagay na dapat hindi mo pagtipiran. Pero sa mga ibang bagay nagtipid kami,” napapangiting kuwento ni Pauleen.
Kapag naikabit na raw ang bintana, mabubuo na raw ang porma ng bahay, at target nila sa December na matapos ito at puwede nang lipatan.
Pero lilipatan daw nila ito siyempre pagkatapos ng kasal nila sa susunod na taon.
BOOM: Live na nagsalita si Maine Mendoza sa Sta. Rosa Auditorium kamakalawa lang nang tanggapin nila ni Wally Bayola kasama si Jenny Ferre ng Eat Bulaga ang award na iginawad ng 1st Catholic Social Media Awards.
Si Maine aka Yaya Dub ay ginawaran ng Catholic Social Media Achievement Award for being influential in propagating Christian values to the youth.
Si Wally o Lola Nidora naman ay kinilala ng Catholic Social Media Award for being instrumental in spreading good values in media.
Si Alden Richards naman ang hinirang na Catholic Social Media Award for being a good youth role model.
Ang producer ng Eat Bulaga na TAPE, Inc. ay ginawaran ng Achievement Award for producing #Kalyeserye and giving importance to promoting Christian family values and virtues. At ang AlDub Nation Team ang nagwaging Achievement Award for spreading #Kalyeserye values online through inspirational posts and tweets.
Unang linya pa lang nang pasasalamat ni Yaya Dub ay nagtilian na ang mga tao. Tuwang-tuwa ang lahat nang dumating nga sila in character.
Si Maine ay labis-labis ang pasasalamat na ipinost sa kanyang Instagram (IG) account. Proud daw siya sa sarili dahil sa tulong ng Eat Bulaga, may napatunayan na raw siya.
Bahagi ng mahabang post nito; “I am proud of myself. Kung wala pa man akong napapatunayan sa inyo, sa ‘kin marami-rami na…at yun lang, dapat na.”