Sikat na aktres, nangungutang agad-agad sa mga bagong kakilala
Isang gabi ay nag-bonding ang mga empleyado ng magkakalabang network. Ang iba ay magkakaklase nu’ng kolehiyo, ang iba naman ay magkakaibigan na bago pa sila nagtrabaho sa mga istasyong pinagseserbisyuhan nila ngayon, nu’ng palalim na ang gabi ay nasentruhan ng kanilang kuwentuhan ang isang babaeng personalidad.
Nag-tour na kasi sa lahat ng network ang female personality sa magkakaibang panahon. At tiyempo naman na lahat ng nandu’n ay naging tagapamahala ng mga programang ginawa ng aktres sa mga network na kinabibilangan nila.
Naloka ang isang nandu’n, wala pa raw kasing isang buwan na umeere ang show ng aktres ay inuutangan na sila, “Kapag pangalan na niya ang nagre-register sa phone naming lahat, nagtutulakan kami sa pagsagot. Nakakaloka naman kasi siya!
“Tama, sikat siyang personality, pero hindi pa naman niya kami kilalang-kilala, tapos, may utangan facor na agad-agad?” natatawang kuwento ng isang nandu’n.
Iba naman ang istorya ng isa, “Di ba, may pink slip tayo? Every 10th and 25th ang suweldo natin at ng mga artista? Sa kanya, e, iba. Every taping day niya, kailangang ideposito muna ang talent fee niya.
“So, first thing in the morning, ‘yun ang ginagawa ng isang staff namin. Para ma-check na niya agad, para wala na siyang reason na hindi dumating dahil wala pa ang TF niya!
“Kapag maaga ang taping kinabukasan, hapon pa lang ng previous day, nasa kanya na ang TF niya. Ganu’n siya kasigurista. Walang pink slip-pink slip sa kanya,” kuwento ng isang impormante.
May mga panahong kahit bayad na ang female personality ay nagpapaabiso siya na hindi makararating. Masakit daw kasi ang kanyang lalamunan, may infection, kaya hindi rin siya makapag-dialogue nang maayos.
“Pero saan ka, may nakakakita naman sa kanya na okey na okey siya, nakapag-casino pa nga siya!” pagkontra ng isang nasa umpukan.
Ubos!
Yaya Dub pinagbabayaran na ang pagiging sikat
Nag-disguise si Maine Mendoza (Yaya Dub) nang manood siya ng concert ng Lifehouse. Gustong manood ni Yaya Dub nang hindi na niya kailangan pang magbago ng itsura, pero ang mga taong nagmamalasakit sa kanya ang nagsabing huwag, dahil baka siya masaktan.
Pumayag si Yaya Dub, nanood siya ng concert na naka-disguise, tatlong security ang kasama niya. Pero kahit malayo na sa kanyang itsura sa telebisyon ang gayak niya nu’ng gabing ‘yun ay may mga nakakilala pa rin sa kanya. May mga lumapit para makipag-selfie. Mabilis na siyang inialis sa venue ng kanyang mga security.
May mga nagkokomento na ilusyunada raw si Maine Mendoza, bakit daw kailangan pa niyang mag-disguise, ano raw ang akala ni Yaya Dub sa kanyang sarili? Sikat na sikat na siya para pagkaguluhan?
Alam kaya ng mga taong ‘yun ang kanilang sinasabi? Kaya ba nilang panagutan kung sakaling kuyugin si Yaya Dub ng mga kababayan nating nahihibang sa kanilang tambalan ni Alden Richards?
Kung hindi nag-disguise si Yaya Dub nang manood siya ng concert ay siguradong magkakagulo. Maaagaw niya ang atensiyon ng publiko. Nakakahiya sa mga performers.
At kung ganu’n nga ang ginawa ni Maine Mendoza ay siguradong may magagalit-mamimintas pa rin sa kanya. Ang ipupukol namang komento laban sa kanya ay wala siyang respeto sa mga nasa entablado. Alam na nga niyang pagkakaguluhan siya ay hindi pa nakaisip si Yaya Dub na itago ang kanyang identity.
‘Di ba naman? Kumanan siya at kumaliwa ay tiyak na may masasabi pa rin sa kanya. Pero ‘yun ang presyo ng kasikatang hawak niya ngayon na kailangan niyang pagbayaran.
- Latest