Sa nangyaring indulto sa buhay ng isang lalaking personalidad kamakailan ay maraming nakaunawa sa kanya. Kung ang tatanungin ay ang mga taong nakakakilala sa kanya mula ulo hanggang paa ay isa lang ang kanilang sasabihin—nagsawa na ang aktor.
Nakikisimpatya ang mga dating nakakasama ng aktor sa kanilang lugar dahil mula pala nu’ng batambata pa siya ay wala nang inasahan ang kanyang pamilya kundi siya.
“Kapag hindi sila nakakabayad ng apartment, ang palaging ikinakatwiran ng mga kasama niya sa bahay, e, wala pa kasi siyang project. Palaging ganu’n, palaging siya ang isinasangkalan, samantalang malalaki naman ang katawan nila para magtrabaho.
“Tama ba naman ‘yun? Kapag wala pala siyang project, e, basta ganu’n na lang, mababaon na lang sila sa utang? Siya lang talaga ang inaasahan ng family niya, walang iba, siya lang talaga!” sumpa ng aming source.
Palaging walang tulog at pahinga, magdamagan sa pagtatrabaho, kapag sumama sa mga kaibigan para kahit paano’y makapag-alis man lang ng stress ay pinagagalitan pa.
Opinyon ng aming source na nakakita sa kanyang mga sakripisyo, “Ako man, kung ganu’n naman ang palaging sitwasyon, e, mabuburyong din! Maghahanap din ako ng outlet! Ano ‘yun, para kang makinang umaandar nang maghapon at magdamag at hindi man lang pinagpapahinga?
“Kaya siya nagkaganu’n, e, nagsawa na siya sa routine ng buhay niya. Puro na lang siya trabaho, sa kanya iniaasa ang lahat, sino naman ang hindi mapupuno kapag ganu’n?” balik-reaksiyon ng aming source.
Pasan daw ng aktor sa kanyang balikat ang mundo. Kailangan niyang kumayod nang kumayod para sa kanyang pamilya. Kapag hindi siya nagtrabaho ay nganga ang lahat ng mga umaasa sa kanya.
“Ano’ng napala nila? E, ‘di mas nganga sila ngayon? Walang nagbabanat ng buto para sa kanila!” pagtatapos ng naiinis naming impormante.
Ubos!
Alden walang tinatanggihang fans, lagi ring may thank you
Isa sa mga barometro namin sa katanyagan ng isang artista ay ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa airport. Nakikita kasi nila ang lahat, saksi sila sa pagkakagulo ng mga pasahero kapag may nakikitang artista, alam na alam nila kung sinu-sino pa ang in at kung sinu-sino naman ang out na.
“Si Alden Richards ang super-in ngayon. Siya ang pinagkakaguluhan, siya ang hinahabol ng mga pasahero at empleyado ng airport, siya ang pinakasikat ngayon,” sabi ng aming kausap.
Hindi raw nagtutulug-tulugan ang Pambansang Bae kapag may mga lumalapit sa kanya para makipag-selfie. Marami kasing artistang kunwari’y tulog habang naghihintay ng flight, pero hindi naman, palagi silang nagtatago sa likod ng dark shades.
“Si Alden, palaging naka-ready para sa pagpapa-picture ng mga fans niya. Saka hindi pala siya sumasagot ng ‘I love you too’ sa mga sumisigaw ng I love you sa kanya.
“Ang palagi niyang sagot, salamat po, thank you po, marespeto ang batang ‘yun. Saka wala siyang kaangas-angas, mararamdaman mo kasi ‘yun sa mga artistang may kayabangan, e. Hindi ‘yun naitatago.
“Nu’ng isang araw nga, e, nagkakuwentuhan kaming magkakaibigan. Pa-Japan nu’n si Alden, talagang binulabog niya ang lahat ng tao kahit napakaaga ng flight niya.
“Nu’ng nagla-lunch na kami, sabi ng isang friend ko, ‘Siya na ang pumalit kay ____(pangalan ng isang guwapong hunk actor), hano?’ Kasi nga, nandu’n din kami nu’ng bumiyahe ang hunk actor na sinasabi niya. Malayung-malayo na si Alden sa kanya.
“Nu’ng mag-check-in kasi siya hanggang sa pumasok na sa boarding area, e, hindi na siya pinagkakaguluhan. Grabe nu’n kapag nandito siya, talagang nagkakagulo, napakaraming nagpapa-picture sa kanya!
“Si Alden na ‘yun ngayon, siya na ang pinagkakaguluhan, siya na ang hinahabol ng mga pasahero para lang makasama siya sa picture. Nganga na ‘yung isang hunk actor!” kuwento pa rin ng aming kaibigang nagtatrabaho sa paliparan.
Ganern.