MANILA, Philippines - Ang mister lagi ang naibabalitang nagtataksil sa kanyang misis, pero paano kung si misis naman ang magtaksil at ang kinalokohan nito ay walang iba kundi ang anak ng kanyang mister?
Ngayong Sabado sa Magpakailanman, panoorin ang pag-iibigan nina Stacy at Junell isang mapusok na pag-ibig na sisira sa pagmamahal at tiwala ng isang ama.
Itinatampok sina Ina Raymundo, Joko Diaz, Jeric Gonzales, Sharmaine Suarez, Ben Isaac, Bryan Olano, at Prince Villanueva.
Bunso sa magkakapatid si Junell. Malapit siya sa kanyang inang si Rebecca. Isang araw, muntik nang masagasaan si Junell pero niligtas siya ni Rebecca. Dahil dito, namatay si Rebecca. Magmula noon ay siya na ang laging sinisisi ng kanyang amang si Jonard na dahilan kung bakit namatay si Rebecca.
Nang magbinata si Junell, nakilala at naging girlfriend ni Jonard si Stacy. Ipinakilala kay Junell dahil balak na nilang magpakasal. Mabait naman kay Junell ang kanyang stepmother. Lagi siyang sinusuportahan nito sa kanyang mga pangarap.
Minsan pinagtaksilan ni Jonard si Stacy, dahilan kung bakit naging mas malalim pa ang pagtitinginan nina Junell at Stacy sa isa’t isa. Nagkaroon sila ng relasyon at patagong nagkikita pa para takasan si Jonard.
’Di nagtagal, nakahalata na si Jonard sa kakaibang ikinikilos ng kanyang asawa at anak kaya sinundan niya ang dalawa. Laking-gulat ni Jonard nang matagpuan niya sa motel ang kanyang misis at anak na magkasama.
Tuluyan na nga bang magkakasiraan ng loob ang mag-ama? Magawa kayang ipaglaban nina Junell at Stacy ang kanilang pag-ibig kahit sakit ang idinulot nila sa iba? Mapapatawad pa kaya ni Jonard ang kataksilan ng kanyang asawa at anak?
Huwag palampasin ang Magpakailanman Anak ni Mister, Kabit ni Misis, ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA 7.