Hindi na apektado sa mga paninira Daniel wala nang paki sa mundo

Marami na ring naging bashers sa social media si Daniel Padilla mula nang maging artista. Hindi na raw nagpapaapekto ang aktor sa mga ito at sa halip ay pinagbubuti na lamang ang trabaho. “Ever since naman hindi ako naapektuhan sa kanila lalo na ngayon. Parang wala na akong paki talaga sa mundo,” pabirong bungad ni Daniel. “Kung wala namang maitutulong sa akin bakit ko naman papansinin. Siyempre madaling sabihin pero ‘pag nababasa mo mas mahirap,” pahayag ng aktor.

Tinuruan na rin daw ni Daniel ang ka-M.U. (mutual understanding) at katambal na si Kathryn Bernardo kung paano haharapin ang online bashers. “Tinuruan ko na ‘yun. Sabi ko lahat ng mga masasamang tao may paglalagyan ‘yan, ha-ha-ha. Hindi, sinabi ko sa kanya, ‘Hayaan mo silang magsabi ng kahit ano basta ‘wag mo na lang pansinin. ‘Yun nga kasi lahat nga ng tao may paglalagyan sa tamang panahon. Kaya huwag na lang natin silang pansinin,” kwento ni Daniel.

Samantala, kahit abala sa kabi-kabilang proyekto ay sinisikap naman daw ng aktor na magkaroon ng oras para sa pamilya. “Oo naman. After nga ng recording ko nasa bahay na ako. Merong time for family naman,” pagtatapos ng binata.

Francine hindi pa rin iiwan ang showbiz kahit mag-asawa na

Engaged na si Francine Prieto sa Amerikanong ka­sintahan na si Frank Shotkoski. Walong buwan pa lamang na magkasintahan ang dalawa. Ibinigay ni Frank ang engagement ring noong Martes ng gabi sa mismong bahay ng aktres. “Dapat daw no’ng birthday ko kaso nag-Bible study ako. Tapos halos wala kaming chance na kami lang, palagi may kasama,” kwento ni Francine.

Ngayon ay nasa Amerika ang binata at nakatakdang bumalik sa bansa sa susunod na buwan upang magplano sa kanilang kasal. Nakahanda na raw si Francine na lumagay sa tahimik dahil natagpuan na niya ang lalaking gustong makasama habangbuhay. “I guess when you meet the right person, at ‘yung lahat ng values na gusto mo nasa kanya at kung paano ang treatment niya sa ‘yo. And most importantly, kung paano niya i-embrace lahat ng tao at ginagawa mo, at todo suporta sa ‘yo through thick and thin,” paliwanag ng dalaga.

Hindi raw titigil sa pag-aartista si Francine pagkatapos ng kanilang kasal ni Frank. “Hindi ako magre-retire dahil first love ko ang acting. Palaging open ang doors ko sa TV and movie projects,” giit ni Francine.

Sa susunod na Sabado ay mapapanood ang aktres sa isang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya kasama sina Sarah Lahbati, Yesha Camile, Mara Lopez at Katya Santos.     

Show comments