Isa ako sa mga nagtaka kung bakit agad-agad na hinusgahan ng grupo ng Gabriela ang bagong sumisikat na personalidad sa programang It’s Showtime na binansagang Pastillas Girl (Angelica Yap). Ito’y sa kabila lang ng kanyang paghahangad na mabigyang payo ni Madam Bertud (Vice Ganda) para tuluyang magkaro’n ng closure sa kanyang nakahiwalayang boyfriend at best friend para mabuo muli ang kanyang sarili.
Mula rito ay nakaisip ng segment ang programa na hanap siya ng lalaking magmamahal sa kanya ng tunay. Sino ba naman ang mag-aakalang darami ang susubaybay sa kanyang paghahanap kay Mr. Pastillas? Excited ang mga manonood ngayon dahil hindi natatapos sa pagkikita nila ng kanyang ex ang lovelife ni Pastillas Girl. Ang dami nang gusto siyang suyuin at maging Mr. Pastillas.
Dahil dito ay pinaparatangan hindi lamang ang show kundi maging ang ina niya na ibinibugaw nila ang dalaga. Ito ay sa kabila ang napakaraming bashers na nagagalit sa pagsulpot niya at sa malaking threat na maari niyang ibigay sa AlDub (tambalang Alden Richards at Maine Mendoza aka Yaya Dub) phenomenon na milyun-milyong tweets na ang natatanggap mula sa netizens.
Nakakalungkot nga na sa halip na ipagtanggol si Angelica sa ginagawa sa kanyang cyber bullying ay paglait sa kanyang pagkatao ang tinatanggap niya.
Pero kahit marami ang naantig sa pagtatanggol ng ina kay Pastillas Girl, marami rin ang nadismaya dahil sa halip na ang mas matitinding problema ng maraming kababaihan ang harapin ng Gabriela, ang istorya ng isang babae sa isang palabas na walang ginagawang pambabastos ang hinaharap nila.
Kung sabagay, hindi naman nagulat ang manonood sa pagsakay ng grupo sa isyu. Hindi ito ang unang pagkakataon na sumali ang Women’s party list group sa isyung showbiz para lamang mapag-usapan sila. Pero sa isyu ni Angelica ay malinaw na nagkamali sila.
Bistek hindi nasipot ang opening ng Pink Filmfest
Matagumpay ang pagsisimula ng Quezon City International Pink Film Festival (QCIPFF) na ginanap sa Gateway Cinema sa Araneta Cubao nung gabi ng Martes. Nakakalungkot lamang na dahil sa nakasabay ito sa isang mahalaga ring event sa nasabing lungsod kung kaya parehong hindi nakarating sina Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte. Pero nanroon naman si Councilor Mayen Juico para gampanan ang mga trabaho nila at magsilbing host sa maraming international personalities na dumating.
Ang QCIPFF ay nagtatampok ng mga pelikula na nagwagi sa Berlin Film Festival TEDDY Awards.
Ang mga pelikulang Pilipino na kasali rito ay ang Esprit de Corps, Esoterika Maynila, Shunned, at Pinoy Transking.
Magsisilbing closing film ng festival ang Nasty Baby ng U.S.A. sa October 11. Nagsilbing director ng QCIPFF si Nick Deocampo na nabigyan ng initiative ng QC Pride Council at ng QC Government.
SunPIOLOgy Run idaraos para sa may mga diabetes
Dahil sa mabilis na paglaganap ng sakit na diabetes sa bansa na marahil ay bunga ng hindi tamang pagkain ng mga Pilipino at sa ating katakawan sa matatamis na pagkain kung kaya minarapat ng SunLife Philippines na magdaos ng isang SunPIOLOgy Run 2015 para labanan ang sakit na diabetes.
Idaraos ang fun run sa Nob. 28 at magsisimula sa bagong bukas na McKinley West ng Megaworld Properties sa Fort Bonifacio. Mabibiyayaan nito ang Institute for Stiudies on Diabetes Foundation, Inc. (ISDFI), Lingkod Kapamilya, at Hebreo Foundation.
Maaring sumali ang mga kabataan sa 500-M Kids Dash (P350), at mga may edad 50 pataas sa Golden Kilometer o GK (P600) at may iba pang kategorya tulad ng 3K (P700), 5K (P800), at 10K (P900),
Magsisilbi sa front line ang Sun Life/ambassador at Hebreo founder na si Piolo Pascual.
Mga reporter ng GMA News napakikinggan na rin sa AM radio
Napapadalas na rin ang pagre-report sa DZBB ng mga reporter ng GMA News. Kung dati ay sa TV lang talaga sila naka-assign, ngayon ay napakikinggan na rin sila sa AM radio station ng Kapuso Network.
Okay rin ang ganitong style ng GMA lalo na kung breaking at malaki ang istorya at andun na rin naman ‘yung reporter nila. Kayang-kaya rin naman nilang ibagay ang report na pang-radyo kung kinakailangan.
Julian na-inspire ni Lola Nidora
Dati nang nabanggit ni Julian Trono na tinatrabaho na niya ang paggawa ng susunod niyang mga kanta pagkatapos ng Wiki Me kasabay ng kabi-kabila niyang showbiz commitments. At kamakailan nga ay may pinost siya sa kanyang Instagram account patungkol sa pag-ibig na nag-hihintay na dumating sa tamang panahon.
Isa na kaya ito sa mga sinusulat niyang kanta? Mukhang na-inspire na rin ni Lola Nidora ang Buena Familia actor ha!
Naku, siguradong maraming mae-LSS sa kantang ‘yan, tulad sa Wiki Me!