Wala akong masabi sa Viva Films ‘ha? Talagang ibinuhos nila ang lahat para sa promo at publicity ng Felix Manalo at ebidensya ang false cover na lumabas kahapon sa The Philippine STAR at full page ad sa PSN (Pilipino Star Ngayon).
I’m sure, nasa Cloud 9 ang pakiramdam ni Dennis Trillo dahil sa tanang buhay niya, ngayon lamang siya nakaranas na magkaroon ng false cover sa leading newspaper ang kanyang pelikula.
Kung ako si Dennis, ipapalagay ko sa frame ang false cover ng Felix Manalo dahil baka hindi na maulit ang ganitong kalaki na promo sa kanyang mga susunod na pelikula. Isa lamang si Dennis sa iilang artista na nabigyan ng napalaking break sa Felix Manalo kaya kinaiinggitan ng ibang mga aktor.
Pelikula ni Pope Francis walang kaingay-ingay
Napakaingay ng Felix Manalo at kabaligtaran nito ang isinapelikula na life story ni Pope Francis na hindi namalayan na ipinalabas na pala sa mga sinehan sa Pilipinas.
Ang sabi ng isang nanood, kulang sa promo ang Pope Francis kaya marami sa mga Pinoy ang hindi aware na may ganoong pelikula.
Pinanood ng PSN source ang Pope Francis at natuwa siya dahil kasali sa eksena ang pagbisita sa Pilipinas ng Santo Papa noong January 2015.
Kung sinuportahan ng mga milyun-milyong Pilipino na Katoliko ang Pope Francis, tiyak na kasing-ingay rin ito ng Felix Manalo na suportadung-suportado ng milyon-milyong miyembro ng Iglesia Ni Cristo.
Kapuso stars maagang magpapangiti sa City of Smiles
Maagang sisimulan ng Kapuso stars ang pagbibigay-saya sa inaabangan na MassKara Festival kaya maaga sila na darayo sa City of Smiles – Bacolod.
Makukulay na sorpresa ang naghihintay sa mga residente ng Bacolod sa pagbisita ng mga Kapuso Network celebrities sa October 11 at 12 sa capital ng Negros Occidental.
Excited nang maki-bonding sa mga taga-Bacolod ang dalawa sa lead stars ng Beautiful Strangers, sina Lovi Poe at Benjamin Alves sa Kapuso Mall Show sa Linggo, October 11, 5 p.m., sa SM City Bacolod Main Atrium.
Makakasama nina Lovi at Benjamin ang mga artista ng Destiny Rose na sina Ken Chan at Fabio Ide na naghanda ng special numbers para sa fans nila.
Kinabukasan, Lunes, October 12, ang cast naman ng Buena Familia ang magpapasaya sa ating mga kababayan sa Bacolod, sina Julie Anne San Jose, Julian Trono, at Jake Vargas.
Artista na kilalang may topak, hinusgahan na agad
Marami ang pumupusta na magbibigay ng problema ang isang artista sa production staff ng bagong project niya.
Legendary kasi ang mood swings ng artista kaya may mga pagkakataon na biglang tinatapos ang mga project niya dahil hindi ma-take ng staff at ng co-stars ang kanyang attitude problem.
Pero too early pa para husgahan siya. Malay naman ng mga judgmental kung nagbago na siya? Ibigay natin sa kanya ang benefit of the doubt. Bakit hindi natin siya bigyan ng another chance kesehodang maraming beses nang napatunayan na hindi nagbago ang ugali niya dahil mahusay lamang sa umpisa ang artista na subject ng mga paghuhusga?