Tinatatakan-minamarkahan na ngayon ang mga pamosong personalidad na aakyat sa entablado sa pagsisimula ng kampanya para sa mga lingkod-bayan na umaasinta sa matataas na posisyon.
May kani-kanyang minamanok ang mga artista, malaya silang makapamimili kung sino ang kanilang susuportahan, bukod sa pagkagusto sa plataporma ng pulitiko ay panahon din kasi ‘yun ng kanilang pagraket.
Sa totoo lang, maganda ang presyuhan sa kampanya, isa-dalawang kanta lang ay katumbas na ng tinatanggap nilang talent fee ‘yun para sa pagte-taping nang maghapon at magdamag.
Mabilisang raket ang pagkanta-pagkaway sa mga kampanya, alam ng mga pulitiko na malakas ang panghatak sa publiko ng mga artista, dumadami ang kanilang audience kapag alam ng mga tao sa lugar na ‘yun na may darating palang mga personalidad sa kanilang komunidad para mag-perform.
Bilangan na ng ulo ngayon. May isang female personality nang naghunyango, sa halip na ang taong malapit sa kanya ang dalhin nito ay ibang pulitiko ang kanyang minamanok, malakas talaga ang panghalina sa tao ng pera.
At hindi lang basta ganu’n ang drama ng female personality, ka-package ng pagsuporta nito sa ibang pulitiko ang paninira, ano kaya ang naghihintay para sa babaeng personalidad na ito kapag tapos na ang eleksiyon?
May isang pamosong aktres din na alam na ng mga taga-showbiz kung sino ang susuportahan sa kampanyahan. Kung may kukuwestiyon sa kanya sa labas ng showbiz, sa mundo ng lokal na aliwan ay wala na, dahil maraming nakakaalam tungkol sa matagal nang pakikipagrelasyon ng sikat na aktres sa isang kamag-anak ng pulitikong kumpirmado nang makikipag-agawan sa mataas na posisyon sa ating gobyerno.
Ubos!
Kahit pinipintas-pintasan ang akting, Kris magaling magbenta ng tickets para sa block screening
Siguradong sanay na si Kris Aquino sa mga hindi kagandahang reaksiyon ng publiko pagkatapos panoorin ang kanyang pelikula. Lalo na kapag magagaling na artista ang kanyang kasama, asahan na ang pang-aalipusta ng manonood sa kanyang pag-arte, napag-iiwanan siya sa papuri.
Hawak ni Kris ang trono bilang pinakamahusay na talk show host, walang makakakabog sa kanya pagdating sa galing magsalita-mag-interbyu, pero hindi para sa kanya ang mundo ng pag-arte.
Inihahalintulad ang kanyang pagganap sa emosyon ng isang taong may constipation, sa isang hirap na hirap umiri dahil hindi nga natunawan, ganu’n ang karaniwang komento ng mga nakakapanood sa aktres-TV host.
Sa pinakahuli niyang proyekto ay naikumpara na naman si Kris kina Izza Calzado, Claudine Barretto at sa walang kakupas-kupas na si Pilar Pilapil.
Pagpansin ng isang propesor na nanood ng pelikula, “May bagong mannerism si Kris kapag nagagalit, nanunulis ang lower lip niya! Hindi ka magiging comfortable sa pagtutok sa kanya dahil napakagalaw ng mukha niya.
“Pero in fairness, mas maganda naman ang acting niya dito kesa sa Pido Dida!” humahalakhak pang komento ng kaibigan naming propesor.
May kaasiman naman ang komento ng isang source, “Pang-talk show lang talaga si Kris, ‘yun ang balwarte niya, pero sa acting? Kahit si Spielberg pa ang magdirek sa kanya, walang mangyayari!”
Ganu’n talaga. May mga linyang para sa iba at meron din namang kailangan na nating ipaubaya sa iba para magawa nang maayos. Pero may isang malaking kalamangan naman si Kris sa kanyang mga kasamahang artista sa pelikula.
Kaya ba nilang magbenta ng tickets para sa block screening? ‘Yun ang kayang-kaya niya na hindi kayang gawin ng ibang personalidad.