MANILA, Philippines - Hindi rin matibag ang ABS-CBN sa primetime (6PM-12MN) na pumalo sa average national audience share na 50% ayon sa Kantar Media. Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock dahil sa mga oras na ito may pinakamaraming nanonood kung kaya’t importante ito sa advertisers na naglalagay ng patalastas para maabot ang mas nakararaming Pilipino sa buong bansa.
Nanguna ang ABS-CBN sa primetime dulot ng mga top-rating at de-kalibreng programa nito, sa pangunguna ng FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. Nagtala ito ng average national TV rating na 40.4% at agad na nanguna sa listahan ng mga pinakapinanood na programa sa bansa. Pumalo naman sa national TV rating na 41.6% ang pilot episode nito noong Setyembre 28.
Sinundan ito ng katatapos lang na Nathaniel, na may average rating na 35.2%.
Mainit ding tinangkilik ang bagong talk-comedy-game show na Celebrity Playtime na agad na pumasok sa listahan ng Top 10 programs sa bansa sa rating nitong 28.7%.
Inabangan din ng mga manonood ang pagbabalik ng Your Face Sounds Familiar sa nakuha nitong national TV rating na 26.5%.
Pagdating naman sa balita, TV Patrol pa rin ang mas pinanood sa national TV rating na 30.5%.
Kabilang din sa listahan ng Top 10 na pinakapinanood na mga programa noong Setyembre ang Pangako Sa ‘Yo (32.8%), Maalaala Mo Kaya (31.7%), Wansapanataym (30.2%), at Rated K (27.3%).
Wagi rin ang ABS-CBN, na hinirang bilang natatanging Philippine media company sa Asia’s Best Companies 2015 ng FinanceAsia, sa ibang panig ng bansa gaya ng Balance Luzon (mga lugar sa Luzon na nasa labas ng Mega Manila) kung saan nagkamit ito ng average total day audience share na 46% sa Visayas na may 56%, at sa Mindanao kung saan ito may 57%.