Tapat na pag-ibig. Ganu’n kung ilarawan ng kanilang mga kasamahan ang damdamin ng isang mamamahayag sa radyo para sa isang male personality ng telebisyon na nagpakasal na sa kanyang karelasyong tagapagbalita rin sa himpapawid.
Aktibo ang mamamahayag sa social media. Sa kanyang FB account ay inilalabas niya ang kanyang nararamdaman, hindi siya nahihiyang malaman ‘yun ng iba, dahil ‘yun ang sinasabi ng kanyang pusong sawi.
Minsan ay sinabi niya, “Ibang-iba na ang takbo ng mundo ko ngayon. Merong kulang. Kung kailan darating ang papalit, hindi ko rin alam.” Regine!!! Whooooh!!!
Nu’ng minsan naman ay nilukuban ng lungkot ang kanyang buhay, kaya ang kanyang emosyon, “Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Alam ko kung saan ako nanggagaling, pero hindi pa rin malinaw ngayon kung saan ako pupunta.” Regine!!! Whooooh!!!
Talagang mahal na mahal ng mamamahayag ang male TV personality, pero maligaya na ito ngayon sa piling ng kanyang nagdadalantaong misis, kumpleto na ang buhay ng male TV reporter.
Mahirap maintindihan ang emosyon ng mamamahayag, pero para sa mga taong nakakasama niya sa araw-araw ay pang-unawa lang ang kailangan, mahirap talaga ang kanyang pinagdadaanan.
Sabi ng isang miron, “Tingnan mo nga naman ang buhay, ang galing-galing niyang mag-report. Sinusugod niya ang mga lugar ng patayan, ng sunog, ng kung anu-anong kalamidad, pero ang puso niya, malungkot na malungkot, nangangailangan din ng ayuda.”
Isang umaga ay nakisimpatya sa mamamahayag ng radyo ang kanyang mga kasamahan dahil ang naka-post sa kanyang FB, “Pagdilat ng mga mata ko ngayong umaga, ikaw agad ang una kong naisip. Hinahanap kita, pero parang bulalakaw kang nand’yan lang kanina, pero maya-maya lang ay wala na.”
Regine!!! Whooooh!!!
Ubos!
Anak ni Sen. Jinggoy maagang tinawag ng pulitika
Kumpirmado nang kakandidato bilang vice-mayor ng San Juan ang panganay na anak nina Senador Jinggoy Estrada at Precy Ejercito na si Konsehala Janella.
Magkakapit-bisig sila sa laban ng kasalukuyang tagapamuno ng San Juan na si Mayor Guia Gomez, ina ni Senador JV Ejercito, nakaisang termino na bilang konsehal ng kanyang mga nasasakupan si Janella.
Napakabilis talagang tumakbo ng panahon. Parang kailan lang ‘yun, patakbu-takbo lang sa malaking bakuran ng mga Estrada sa Polk St. si Councilor Janella, pero ngayon ay sasabak na siya sa isang matinding laban.
Pero hindi naman kasi sa edad sinusukat kung magiging epektibong lingkod-bayan ang isang pulitiko, nasa puso ‘yun, tulad ni Konsehala Janella na sinserong naglilingkod sa kanyang mga kababayan.
Sa maagang panahon sa kanyang unang termino ay naging boses na siya ng mga kabataan ng San Juan, marami siyang naipasang ordinansa na kapaki-pakinabang na ngayon tulad ng kanyang mga lolo at lola at ama ay nakaguhit din sa kanyang palad ang paglilingkod sa siyudad na mahal at pinagmamalasakitan ng kanyang buong pamilya.
Sabi ng kanyang inang si Precy, “Mine-memorize ko na nga ang itsura ng anak ko, e. Hindi ko na kasi siya halos nakikita, palagi siyang busy sa pag-iikot, marami siyang ginagawa. Pero masaya ako dahil marami siyang natutulungan.”
Batang dugo. Batang pangarap. Kung ano ang puno ay siya ring bunga. Apo nga si Konsehala Janella Ejercito ng kanyang Daddylo at Mommyla at anak ni Senador Jinggoy Estrada.