Ilang tulog at gising na lang, dahil sa sobrang bilis ng paglipad ng panahon, ay eleksiyon na. Mauuso na naman ang pera. Salaping gagamitin sa kampanya ng mga pulitiko at perang ipamumudmod nila sa mga botante.
Ngayon pa lang ay tinatalasan na ng mga negosyante at mayayaman nating kababayan kung sinu-sino ang mamanukin nila sa darating na halalan.
Sa ganito kaagang panahon ay meron nang malalaking mangangalakal na nagbibigay nang milyones para sa inaakala nilang lulusot sa labanan.
Balitang-balita na ang daang milyong suporta na ipinadala ng isang malaking kumpanya para sa isang tambalang malakas ang karisma sa ating mga kababayan.
Kung ang ibang mga pulitiko ay lumalapit pa sa malalaking negosyante, ang tambalan naman ng mga bagong dugo ang nilalapitan ng mga businessmen, sila ang binibigyan ng kusang-loob na tulong na pampinansiyal.
Naalala naming ang kuwento ng isang source, “Sa office ng boss ko, ang dami-dami nang letters na galing sa mga tatakbo this coming election. Matataas na position ang tatakbuhan nila, humihingi sila ng suporta, ganu’n naman ang kalakaran tuwing eleksiyon.
“Pero masuwerte ang isang tandem, sila pa ang nilalapitan, hindi na nila kailangan pang manghingi ng financial support. Naniniwala kasi sa kanila ang mga negosyante,” kuwento ng aming source.
Pinagkakaperahan ng marami ang eleksiyon. Buhay na buhay ang mga printing press, ang mga tagahakot ng audience sa mga kampanya, pista rin ito para sa mga gumagawa ng mga giveaways.
At huwag na tayong lumayo pa. Kahit nga ang isang kilalang female personality ay nasikmurang siraan ang isang pamosong pulitiko to the tune of Mambo #5.
Ubos!
Dininig ang dasal April Boy mapapa-opera na ang nabubulag na mata
Kumpleto na ang lahat ng mga kailangan para maoperahan ang mga mata ng Jukebox King na si April “Boy” Regino. Sa tulong ni Tita Marilen Tronqued ng St. Luke’s Medical Center ay meron nang espesyalistang hahawak sa operasyon.
Wala namang paningin ang isang mata ni April Boy at ang isa namang nakakabanaag pa ay patuloy na rin ang paglabo. Panahon na talaga para operahan ang kanyang retina para matupad ang kanyang hiling na makakita pa nang maayos na tulad nang dati.
Madalas naming kausap ang kanyang misis na si Madel, napakapalad ng singer sa pagkakaroon ng asawang mapagmahal, maasikaso at hindi bumibitiw sa lahat ng mga paghamong dumarating sa kanilang pamilya.
“Panahon na po talaga sigurong magpaopera si April dahil sa mga huling pangyayaring hindi namin inaasahan. Sa kabila po ng sitwasyon niya, e, may kumuha sa kanya para mag-show sa Brunei.
“Naging mabait po sa kanya ang nang-imbita, binigyan na siya ng bonus, nagpabaon pa po sa amin si Kathelyn Dupaya ng pampaopera niya. Malaking halaga po ‘yun, kapag kulang pa raw, magsabi lang kami sa kanya,” kuwento ni Madel.
Sa piyesang Tanging Hiling ni April “Boy” Regino ay napakalinaw ng mensahe. Ang Diyos lamang ang tanging magpapagaling sa kanya. Ang tanging hiling ng musikero ay ang pakinggan sana ng Diyos ang kanyang dalangin na gumaling siya.
Kapag sinsero at mula sa puso ang panalangin ay walang imposible. At kung mas marami ang nagdarasal ay mas mabilis ang sagot sa hiling.