MANILA, Philippines – Literal ang pagiging angel sa lupa ni Angel Locsin.
Ito ay matapos niyang sagutin ang balanse sa punirarya ng sumakabilang buhay na entertainment columnist na si Tita Emy Abuan.
Medyo kinapos na kasi ang pamilya ni Tita Emy dahil bago siya binawian ng buhay ay mahigit isang buwan na siya sa Intensive Care Unit ng isang ospital. Eh gusto namang bigyan ng kanyang pamilya ng disenteng burol si Tita Emy bilang respeto na rin.
Pero hindi nagdalawang isip si Angel nang mabalitaan niyang kailangan ng financial assistance ng pamilya ni Tita Emy. Siya mismo ang pumunta sa cashier ng Arlington Funeral Center at tinanong kung magkano pa ang kulang para sa funeral service.
Binayaran niya agad-agad. Halos P200,000 din ang nasabing halaga.
Kuwento ni Nay Lolit Solis, bago ang nasabing tulong kay Tita Emy, nauna na raw nagbigay ng tulong si Angel sa isang make-up artist niya na namatay din. Na-ospital din daw ang nasabing make-up artist bago namatay. Sinagot lahat ni Angel ang gastos sa pagpapalibing sa nasabing make-up artist na more or else ay P400,000 ayon pa sa kuwento ni Nay Lolit. Eh bago raw ito namatay, tinutulungan na ito ni Angel sa pagpapa-hospital.
Noong bago raw kasi si Angel ay ang nasabing make-up artist na Sir George ang pangalan ang nagmi-make-up dito.
Kung tutuusin, hindi naman ito ang unang pagkakataon na tumulong si Angel. Noon ay nagpa-auction pa siya ng kotse para sa biktima ng bagyong Yolanda sa Samar.
Pinupuntahan at personal din siyang tumutulong sa Red Cross tuwing may dumarating na kalamidad.
Naalala ko tuloy ang lumabas na kuwento kamakailan kung saan bumisita pa siya noong 2009 sa Lianga, Surigao del Sur, ang lugar kung saan pinatay ang dalawang Lumad leaders at civilian companion kamakailan lang. Isa siya sa nanawagan na tigilan na ang pagpatay sa mga Lumad.
Pero ang maganda sa kanya hindi niya pino-post sa social media ang mga ginagawa niyang kabutihan.
‘Yung tungkol sa Lumad ang kapatid lang niya ang nagkuwento nang may mapatay na Lumad leaders kamakailan.
Kudos Angel. Tiyak na mas pagpapalain ka dahil sa kabutihan mo.
Sa kasalukuyan ay busy ang actress sa shooting ng pelikula nila nina Gov, Vilma Santos at Xian Lim na All of Me.
Wala pa itong schedule kung kailan ipalalabas.
Iba pang tumulong…
Bukod kay Angel, nagpapasalamat din ang pamilya ni Tita Emy sa mga iba pang tumulong sa kanila tulad nina Sen. Grace Poe, Sen. Chiz Escudero, Susan Roces, Cong. Toby Tiangco, Boy Abunda, Sir Miguel Belmonte, Congw. Gina de Venecia, Manay Ichu Maceda, PAMI members sa pangunguna ni June Rufino, Lolit Solis, Dolor Guevarra, Shirley Kuan, at Lilibeth Nakpil.