PIK: Suportado si Glaiza de Castro ng mga malalapit niyang mga kaibigan sa kanyang first solo concert na pinamagatang Dreams Never End na gaganapin sa Music Museum mamayang gabi.
Sold out na nga raw ang tickets, pero may mga gusto pang pumunta at magbakasakali na makapasok bilang suporta sa Kapuso actress.
Isa sa patuloy na sumusuporta sa kanya ay si Rhian Ramos na lalo silang naging close pagkatapos ng The Rich Man’s Daughter.
Nagugulat nga raw sila dahil ang dami pa rin daw ang patuloy na sumusuporta sa kanilang tandem lalo na sa mga lesbian.
PAK: Hindi masagot ng mga taong malapit sa singer/actress kung kailan ito babalik ng Pilipinas dahil ilang buwan na itong palipat-lipat ng bansa.
Minsan ay nasa Canada, ngayon ay nasa Australia at mukhang wala na raw itong balak na bumalik ng bansa.
Parang totoo ang duda ng karamihan na ayaw nang bumalik ni singer/actress dahil nalaman daw nitong My Husband’s Lover ang drama ng kanyang asawa.
Nalaman daw niyang may iba nang karelasyon ang guwapo niyang asawa na isa ring guwapong kauri nito.
Kahit miss na miss na ni singer/actress ang nag-iisa nilang anak, tiniis niya ito dahil hindi niya ma-take na balikan ang asawa niyang may mahal nang iba.
BOOM: Marami ang nanghihinayang sa magaling na aktres na binigyan ng chance na makabalik sa trabaho via a big movie project.
Magaling doon si aktres, at nakikita mo naman ang pagpapahalaga na binigay sa kanya para bumalik ang dating sigla ng kanyang career.
Ang problema, hindi pa rin pala nagbabago si aktres.
Nakapag-deliver naman daw. Mahusay nga siya sa pelikulang nilabasan niya. Pero lingid sa kaalaman ng lahat, hindi pa rin nawawala ang matagal niyang bisyo.
Nawawala raw ito minsan sa set, nagkukulong sa kuwarto o kaya sa CR dahil nagtuturok daw ito.
Hindi naman sinasabi ng aming source kung drugs ang tinuturok nito, pero nagtataka sila bakit ganun pa rin ang pinagkakaabalahan nito na hindi naman pala nagbago. Ganun pa rin ang dating gawi.
Nakakapanghinayang dahil binigyan ng magandang break na makabalik, hindi pa rin nagbabago. Kaya natatakot ang mga taong tumutulong sa kanya na baka madiskaril na naman at baka maapektuhan ang trabaho kung sakaling bigyan ito ng mas magandang project.