Pati branded na gamit, tambak mga alahas ni female personality puwedeng paglanguyan sa sobrang dami!

Kuwento ng isang matabil na source, “Sabihin mo ang lahat ng branded stuff at meron nu’n si ____(pangalan ng isang pamosong female personality)! At hindi lang isa, marami, iba-ibang kulay!”

Isa pang hirit ng kati-kateryang impromante, “Ibang klase siya, puro imported magazines ang binibili niya. Kung ano ang meron ang mga Hollywood stars, ‘yun ang binibili niya!

“Kahit si ____(pangalan ng isang sikat na actress-TV host), walang binatbat sa kanya! Kung meron siyang isa, lima ang katapat nu’n kay ____(ang pamosong female personality)!

“Ganu’n siya katindi, puro top of the line ang sa kanya, sabihin n’yong lahat sa akin ngayon ang pinakamahal na brand ng bags, shoes, wallet at kahit ano, meron siya nu’n!” kuwento pa ng source na palaging nilalangisan ang dila sa sobrang dulas.

At kung alahas daw naman ang pag-uusapan ay puwede nang mag-swimming sa isang malaking kama ng alahas ang bonggang-bonggang female personality. Mahilig siya sa jewelry, nagpapagawa siya talaga, at sa ibang bansa pa.

“Tahimik lang siya, pero nasa kanya na ang lahat-lahat. Mawalan man ng trabaho ang mister niya, mabubuhay pa rin siya nang marangya. Natatawa na nga lang siya kapag nagpo-post ng mga branded stuff nila ang ibang artista.

“Walang-wala kasi sa kanya ‘yun, apat-apat o lima-lima ang ganu’n niya, hindi lang niya ipinagmamakaingay. Kabog sila sa babaeng ‘yun na palaging nagbabayad para sa mga excess luggage niya.

“Sobrang dami niyang mamili ng mga personal stuff niya. Iba-ibang size, iba-ibang color, siya na talaga!” pagkukuwento pa ng source na palaging kasama sa biyahe ng pamosong female personality. Pak na pak!

Ubos!

Alden at Yaya Dub usong-uso, hindi puwedeng awayin

Panahon ngayon ng AlDub. Hawak nila ang pagkakataon. Sila ang inaabangan-dinadambana ngayon ng publiko. Hindi puwedeng harangan ang kanilang kasikatan ngayon.

Mapupulbos lang ang kakalaban sa kanila ngayon. Kakain ng alikabok. Pupulutin sa kangkungan. Kailanman ay hindi puwedeng kuwestiyunin ang tagumpay.

Anumang pambabagsak ang gawin ngayon ng ibang kampo sa tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) ay mawawalan ng saysay. Mauuwi lang sa wala. Dahil kipkip nila ngayon ang tagumpay.

Nakakahiya ang nangyari nu’ng nakaraang Sabado. Sangdamakmak na artista ng ABS-CBN ang ipinangtapat sa kanila, nagkapit-bisig at naghawak-kamay na ang mga ito, pero ano ang naging resulta?

Paano naman natin maikukumpara ang 45.7% na rating ng Eat Bulaga sa nakuhang gradong pasang-awa ng It’s Showtime na 11.9%? Kailangan pa ba naman nating magpakadalubhasa sa aritmetik para lang maintindihan natin ang senaryo?

Pana-panahon lang ‘yan. Suwerte ang Eat Bulaga sa biyayang dumating sa kanila. Nagsimula lang sa kalyeserye ang lahat, pero kinagat ng manonood ang tambalang AlDub, hindi pilit ang pagkapanganak ng kanilang loveteam.

Ganu’n lang talaga, usung-uso ngayon ang AlDub, kahit sa damit, sapatos, kanta at sayaw ay nakikiangkas ang buong bayan sa kung ano ang uso.

Huwag napipikon kapag natatalo. Sa anumang labanan ay may nananalo at natatalo. Nagkataon lang na nasa ibabaw ngayon ang AlDub kakampi na nila ang panahon ay niyakap pa sila nang mahigpit ng publiko.

Show comments