Mawawala ba naman sa ika-anim na taong selebrasyon ng It’s Showtime ng ABS-CBN ang presence ng pinakabagong Kapamilya, ang naghahanap ng bago niyang pag-ibig na si Pastillas Girl? Dahil wala pa itong napipisil sa tatlo niyang masusugid na manliligaw kung kaya ibinigay sa kanya ang pagkakataon na maawitan ng isa sa maituturing na pinakamalaking Kapamilya star na si Coco Martin. Obvious na excited si Miss Pastillas na unang maawitan ng Ang Probinsyano kaysa sa dalawa niyang leading lady sa serye na sina Maja Salvador at Bela Padilla. Naunahan pa niya sina Maja at Bela na makantahan ni Coco.
Maganda ‘yung ginagawang pag-spoof ng Showtime sa icons tulad ni Karylle na ginaya si Gloc-9, ang galing nina Teddy at Jugs bilang Pepe Smith and Mike Hanopol, pero buwis-buhay ang opening ni Coleen Garcia na kung saan ibinitin siya sa ere at nagpasirku-sirko. Ewan ko lang kung hindi nawala sa puwesto ang puso ni Billy Crawford sa takot nang mapanood ang ginawa ng girlfriend.
Iba talaga kapag ang Kapamilya ang gumawa ng produksyon, maganda. Kapuri-puri ‘yung dance number na nagbukas ng show na ginawa ng live sa Araneta Coliseum at literal na dinumog ng maraming manonood. Dagsain ba naman ng fans ng mga loveteams ng KathNiel nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, LizQuen nina Liza Sobeano at Enrque Gil, Kimxi nina Kim Chiu at Xian Lim, at JaDine nina James Reid at Nadine Lustre? Ang galing ng KathNiel fans dahil marunong silang pumwesto, sama-sama sila at hindi kalat-kalat.
Obvious na si Vice Ganda ang may pinakamalaking following. Dumadagundong talaga ang lugar kapag nababanggit ang pangalan niya. Kahit aminado siya sa sexual preference niya, tinilian din ang ginawa niyang paghalik kay Karylle ng dalawang beses, at take note, lips to lips pa.
Ano kaya ang naging reaksyon dito ng mister ni Karylle na naroon din sa show?
Worried naman ang fans and followers ng Big 4 ng Pinoy Big Brother nang talunin sila sa production number ng Gimme5. Pero wala silang dapat ipag-alala dahil mas nauna at mas experienced ang grupong tumalo sa kanila. Bumawi na lang sila next time.
Tinalo naman ng grupo ng Nasaan Ka Nang Kailangan Kita ang napakaseksing grupo ng Pasion de Amor.
Tama lang na dalhin ng mga programa ng ABS-CBN ang character ni Miss Pastillas. Sa ganitong paraan ay mas mapapasikat nila ito nang husto at mas makakatulong sa programang It’s Showtime.
Kailangan talaga ng Showtime ng malakas na tagatulak at segment na sinusubaybayan ng manonood para makaagapay sila sa kalaban na sobrang phenomenal ang na-create na character, segment at loveteam. Hindi pa nga nagkakasama nang husto ang AlDub loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza aka Yaya Dub, pero inaabangan at sinusubaybayan na sila.
Malaki ang potensyal para sumikat ni Patillas Girl.
Sana may iba pa siyang talent na maipagmamalaki na puwedeng magamit sa kanyang promosyon. Sa ngayon, hindi pa siya kilala, pero marami na ang natatakot sa kanya. Aminin.
Derek makakatulong kina Kris-Bistek
Nakakalungkot naman na hindi na sina Bossing Vic Sotto at AiAi delas Alas ang aabangan ng manonood sa MFFF (Metro Manila Film Festival) kundi ang AlDub. Pero siguro dedma na sila sa pangyayaring ito. Ang mahalaga ay matatalbugan ng movie nila ang pito pang kalaban nila.
Mukhang nabigyan ng panibagong lakas ang movie nina Kris Aquino at Mayor Herbert Bautista sa pagkakasali ni Derek Ramsay.
Mas magandang promosyon nito ay kung si Kris na ang pakakasalan ni Mayor na nagsabing susunod na siyang magpapakasal kay Bossing Vic.
Pakikiramay kay Emy…
Nakikiramay ako at ang aking pamilya sa pagpanaw ng kaibigan ko at kasama sa panulat na si Emy Abuan-Bautista. Ito ay matapos siyang maratay nang matagal na panahon sa ospital dahilan sa sakit. Ipagdasal natin ang kanyang kaluluwa.