Sa isang umpukang-showbiz ay naging paksa ang pagiging palalo ng isang TV personality na sa bandang dulo na namin lalagyan ng pagkakakilanlan. Talaga palang pinasasakit niya ang ulo ng kanyang mga katrabaho.
Malapit na raw sumuka ng dugo ang tagapamahala ng kanyang pang-araw-araw na programa dahil sa katigasan ng kanyang ulo at pagiging pasaway.
Walang pakialam ang TV personality sa produksiyon, hindi siya marunong mag-abiso, wala siyang respeto sa mga taong nagpapatakbo sa show. Sarili lang daw niya ang mahalaga para sa nasabing TV host.
“Magba-bar siya nang hanggang madaling-araw, makikipagnomo-nomo nang walang pakundangan, samantalang alam niya namang may show pa siya at kailangang maaga pa lang, e, nasa studio na siya.
“Nag-aaral na ngang manghula sa baraha ang mga staff niya para malaman nila kung darating o hindi ang TV host. Patay ang phone niya, patay rin ang phone ng PA niya, magsisimula na ang show, e, wala pa rin siya.
“Darating siyang ngarag na ngarag, galit pa, dahil bakit daw sinimulan ang show nang wala siya? Ganu’n? Kasalanan pa ngayon ng staff kung bakit hindi siya hinintay?” simulang kuwento ng isang nasa umpukan.
Pero nagulantang ang lahat dahil ngayon ay nasa oras na ang pagdating ng TV host, hindi na siya kailangan pang i-follow-up, may kinatatakutan kaya siya?
Patuloy ng source, “Hindi na siya puwedeng mag-relax-relax ngayon, kailangan na niyang mag-double time, nakikita naman siguro niya kung ano ang mga nangyayari ngayon?
“Subsob na sa rating ang show nila, pinakakain na sila ng alikabok ng kalaban nila, mangdededma at magiging pasaway pa ba siya sa ganyang situation ng programa nila?
“Ramdam na rin niya na spaghetting pababa na ang career niya, damay du’n ang mga shows niya, kaya kailangang magpaka-professional na siya! At take note, uma-attend na rin siya ng production meeting ngayon na dati naman, e, hindi niya ginagawa.
“Kapag nagpakapasaway pa rin siya, e, siguradong magbabago na ang title ng show, baka maging no more time na ‘yun!” napakadiin pang kuwento ng aming impormante.
Ubos!
Wala kasing bad record, JaDine pinataob na ang LizQuen at KathNiel
Napakalaki talaga ng nagagawa ng imahe sa mga personalidad. One false move, sabi nga, ay sapat na para mabawasan ang ningning ng kanilang bituin.
Ang unang napagitna sa kontrobersiya ay si Daniel Padilla. Ang paninigarilyo ng binata kahit pa makina lang naman ‘yun at hindi tunay na sigarilyo.
Sumunod ay ang paglalasing-pagwawala ni Enrique Gil sa eroplano. Kung anu-anong dahilan na ang sinabi ng young actor at nanghingi na nga ng paumanhin, pero sa panlasa ng ating mga kababayan, ang kanyang inasal ay hindi hinihingi ng pagkakataon.
Sumunod ay si Kathryn Bernardo at ang makasaysayang pang-iisnab ng dalaga sa kanyang mentor na si Direk Bobot Mortiz. Minarkahan si Kathryn bilang maldita at walang utang na loob, maraming hindi nagkagusto sa kanyang ginawa, napakahalaga pa naman ng pagtanaw ng utang na loob para sa ating lahi.
Bakit sa tatlong loveteams na pambato ngayon ng ABS-CBN ay mas lumalakas ang hatak ng loveteam nina James Reid at Nadine Lustre? Bakit ang kanilang tambalan ang pinananabikan at tinitilian ngayon?
Bakit ang JaDine ang may mas malakas na magneto ngayon sa manonood? Hindi kasi sila nasasangkot sa mga isyung nakapagpapatabang sa paghanga ng publiko.
Kailangang himigpit ang hawak ngayon ng KathNiel at LizQuen sa publiko dahil maraming beses nang napatunayan na ang JaDine loveteam ang pinakamainit ngayon.