May nahalukay na bangkay na matagal nang nakalibing ang ilang impormante. Nakakawindang ang kuwento, parang pangkomiks at pelikula lang, pero sumusumpa ang mga may alam sa istorya na totoong-totoo ang senaryo.
Matagal na namuhay ang isang pamilyang showbiz sa kakaibang istilo. Alam ng misis na may gay benefactor ang kanyang mister. Ito ang nagbigay ng hanapbuhay sa kanila nang matagal na panahon at ang gay benefactor din ng aktor ang nagtaguyod sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Open-secret ‘yun. Maraming nakakaalam ng kuwento. May love triangle na kinagisnan ang magkakapatid. Ang kanilang ama, ang kanilang ina at ang milyonaryong negosyante.
Nu’ng magsilaki na ang magkakapatid ay nagsimula na rin silang magtanong. Bakit kailangang may iba pang karelasyon ang kanilang ama? Hindi ba puwedeng ang mga magulang na lang nila ang magmahalan?
Kuwento ng isang nakausap naming doktor, “Ang trauma, e, pabalik-balik. Puwedeng makalimutan nang matagal ‘yun, pero sa isang snap lang, puwede na namang bumalik. Ang trauma, e, isang sakit na ang may katawan lang ang makagagamot.”
‘Yun ang itinuturong dahilan ng mga nakakaalam ng kuwento kung bakit may sariling mundo ang isang produkto ng dating mag-asawa. Mabilis siyang magpalit ng desisyon, magulo ang takbo ng kanyang utak, gumagawa siya ng mga bagay-bagay na nakasisira sa kanya pero wala siyang pakialam.
May matinding trauma pa kasing nadagdag sa istorya. Ang mismong boyfriend niya nu’ng bata pa siya ay inagaw rin sa kanya. Patuloy na iikot ang maligalig na mundo ng babaeng inagawan dahil ang nang-agaw sa kanyang mahal ay ang mismong tatay niya.
Ubos!
Kahit anak mayaman Yaya Dub walang kaere-ere sa katawan!
Marami kaming nalamang kuwento tungkol kay Maine Mendoza na mas kilala na ngayon kahit ng mga musmos na bata bilang si Yaya Dub. Ang mga unang kuwento ay mula sa kanyang mga nakatrabaho sa paggawa ng mga commercials.
Ayon kay Ogie Narvaez Rodriguez na kaibigan mismo ng mga nag-ayos kay Yaya Dub sa paggawa ng TVC, “Ang akala kasi nila, e, katulad si Yaya Dub ng ibang mga artista na nale-late sa calltime. Pero hindi. Mas nauna pa siyang dumating kesa sa ibang staff.
“Wala raw siyang kahirap-hirap ayusan dahil wala siyang arte sa katawan. At isa pang talagang hanggang ngayon, e, inuulit-ulit nila, napaka-flawless daw ni Yaya Dub
“Wala raw siyang dumi sa buong katawan, kung meron man pero hindi nila nakita, e, nunal lang. Saka napaka-generous pala niya sa time. Talagang pinagbibigyan niya ang mga nagpapa-picture taking, nakikipag-selfie, number one si Maine ngayon sa listahan ng mga personalities na nakakatrabaho nila,” kuwento ni Ogie.
Sa All For Juan, Juan For All ng Eat…Bulaga ay ganu’n din ang mga kuwentong nakararating sa amin. Nakikiusap si Yaya Dub sa kanyang mga security na kung puwede, kapag may mga gustong magparetrato sa tabi niya ay pabayaan lang ‘yun ng mga nag-aalaga sa kanyang seguridad, bibihira ang mga personalidad na mapagbigay sa kanilang mga tagahanga.
Ang mga ganu’ng kuwento ay mas nagpapataas pa sa kasikatang hawak na niya ngayon. Lumilipat-lipat sa iba’t ibang tenga ang kanyang kabutihan at kabaitan sa mga taong naging dahilan ng kanyang katanyagan ngayon.
“And to think na anak-mayaman siya, ha? Wala siyang kaere-ere, mabait siya, maganda ang breeding ni Yaya Dub,” pahabol pang papuri ni Ogie Narvaez Rodriguez.