Nahawa naman ako kay Alden Richards nang umiyak siya kahapon habang kinakanta niya ng live sa Eat Bulaga ang God Gave Me You.
Hindi ako nag-iisa dahil marami pala ang nakiiyak kay Alden na na-feel nang husto ang lyrics ng kanta na inialay niya kay Maine Mendoza aka Yaya Dub.
Lumakas ang mga kutob na in love na nga si Alden kay Yaya Dub dahil sa pag-iyak niya. Hindi basta tumulo ang luha ni Alden dahil napanood sa national television ang pag-ngalngal niya. Lalong hinangaan si Alden dahil hindi nito ikinahiya ang pag-iyak.
Wally pinakapagod
Pinakanapagod sa kalyeserye ng Eat Bulaga si Wally Bayola dahil dalawang karakter ang ginampanan niya, si Lola Nidora at ang mayordoma na si Rhianna.
Napakinabangan ni Wally ang pagiging stage actor niya noon dahil madali sa kanya ang magpalit ng karakter.
Dahil sa husay ni Wally, nadagdagan ang kanyang mga product endorsement dahil umere na kahapon ang television commercial nila ni Yaya Dub para sa isang brand ng cellphone. Baka madagdagan ang mga endorsement ni Wally dahil sa phenomenal success ng kalyeserye ng Eat Bulaga.
Yaya Dub makakadaldal na
Pinagpawisan nang husto si Alden nang dumalaw siya sa mansion nina Lola Nidora at Yaya Dub.
Tagaktak ang pawis ni Alden habang kaharap niya si Yaya Dub na pinagsalita sa unang pagkakataon sa kalyeserye.
“It must be love” ang dialogue ni Yaya Dub na magkakaroon na ng speaking lines sa mga susunod na kabanata ng kalyeserye na inaabangan at pinapanood ng mga Pilipino sa buong mundo.
Regine misyon na ang pagkanta sa Gabay Guro
Mga fan ng kalyeserye ng Eat Bulaga sina AiAi delas Alas at Regine Velasquez.
Tinutukan kahapon nina AiAi at Regine ang pagbisita ni Alden kay Yaya Dub at pareho silang kinilig sa mga eksena.
Hindi idine-deny ni Regine na fan ito ng AlDub at aliw na aliw siya sa impersonation sa kanya ni Paolo Ballesteros.
Si Regine nga pala ang isa sa mga special guest sa PLDT Gabay Guro grand teacherfest na mangyayari ngayong hapon sa Mall of Asia Arena.
Kabilang si Regine sa mga celebrity performer na magbibigay-pugay sa mga guro na pararangalan ng PLDT Gabay Guro.
Taun-taon, hindi nawawala si Regine sa grand teacherfest ng PLDT Gabay Guro dahil suportado niya ang advocacy ng mga volunteer member na mga manager ng PLDT.
Si Regine ang kumanta ng theme song ng Gabay Guro pero hindi siya naningil ng talent fee dahil naniniwala nga siya sa magandang advocacy ng grupo.
Kaya naman suportado rin ng PLDT Home ang Regine at the Theater, ang concert series ng Asia’s Songbird sa The Theater ng Solaire sa November 6, 7, 20 at 21.
Sobra-sobra ang pasasalamat ni Regine sa PLDT Home dahil sinusuportahan nito ang lahat ng kanyang mga concert at projects.
Ang PLDT Home ang nasa likod ng highly successful Regine Series Mall Tour para sa PLDT Home subscribers. Mahigit sa apat ang mga mall na pinagdausan ng Regine Series Mall Tour ni Regine at pinanood ng libo-libong tao.