Nasilaw sa datung, female personality ipinagpalit ang pamilya sa tamang halaga!

One plus one equals two. Pero puwede ring one plus one equals eleven. May nadiskubre ang mga mapanuring taga-showbiz tungkol sa malalim na kuwentong bumabalot ngayon sa ginagawang pagpapakontrobersiyal ng isang female personality.

Nagkaroon pa nga ng argumento nu’ng minsan tungkol sa kanyang mga ginagawa. Naniniwala ang isang kampo na walang nagbubulong sa babaeng personalidad para mag-ingay, naturalesa lang niya ang umiiral, pero kinontra ‘yun ng isang kampo.

Ang kanilang paniniwala naman ay iba. Kung walang nagmamando sa babaeng personalidad ay hindi lalakas ang kanyang loob, mahihiya siya, dahil hindi ibang tao sa kanya ang kinukuwestiyon niya ang kakayahan.

Nawindang ang loob at labas ng showbiz sa kanyang mga pinagsasasabi na malayo sa katotohanan. Marami siyang hinuhukay na kuwentong malayung-malayo naman sa mga kasalukuyang isyu. Heto na.

Malapit nang himatayin ang mga nakakakilala sa female personality sa kanilang natuklasan. Ang taong nakikipag-usap para sa kanya sa iba’t ibang istasyon, grupo, at mga reporters ay ang mismong tao rin na kilalang kaalyado ng isang nakaposisyong pulitiko sa isang siyudad at sa isang pulitikong kumukuwestiyon sa legalidad ng pakikilahok sa labanan ng isang babaeng pulitiko.

Ang tanong nila ngayon, ipinagpalit ba ng babaeng personalidad ang magandang relasyon ng kanilang angkan sa salapi? At kung totoo man ‘yun ay sa magkanong halaga naman?

Sabi ng isang source, “Nakakaloka, ‘yung nagbu-book sa dalawang politicians na galit sa babaeng pulitiko mismo ang nagbu-book kay ____ (pangalan ng female personality) para mag-guest sa radyo at TV para siraan ang girl politician.

“May mga tao pala sa likod niya, may kumukumpas pala para ganito at ganyan ang sasabihin niya, meron palang bumubulong sa kanya para maliitin at siraan niya ang babaeng kinatatakutan sa labanan ng grupong nagsusulsol sa kanya!” manghang-mangha pang kuwento ng aming source.

Ubos!

Pagsasalita ni Yaya Dub inaabangan na rin hanggang Canada

Ang araw na ito ng Sabado ay idinedeklara ng AlDub World bilang National Pabebe Wave Day. Ang pinasikat na pagkaway ng tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) ang iwawagayway ngayon ng kanilang milyun-milyong tagasuporta.

At hindi lang dito sa ating bansa magaganap ang Pabebe Wave Day, maging sa iba-ibang bansa ay makikiisa ang mga Pinoy, sa Canada kung saan matagal nang naninirahan-nagtatrabaho ang marami naming anak-anakan-kaibigan ay handang-handa na rin silang makipag-Pabebe Wave ngayon.

Kuwento ni Rey-Ar Reyes ng Pilipino Express News Magazine sa Manitoba, Canada, “Nag-bonding kami ng mga kasamahan kong photographers, nag-picnic kami, gulat na gulat kami sa mga kuwentuhan ng mga Pinoy na narinig namin.

“Nandito na ang virus ng AlDub! GMA-Pinoy TV na ang tinututukan nila dahil sa kalyeserye. Kinikilig ang mga nanay at mga anak nila, kinaaaliwan naman ng mga tatay-tatay sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros!

“May hysteria na rin ang mga Pinoy dito sa kalyeserye ng Eat Bulaga! Grabe, parang d’yan din sa Pilipinas ang mga followers ng AlDub dito!” masayang balita ng aming anak-anakan sa Winnipeg, Canada.

At ang tanong ni Rey-Ar na ang makasasagot lang ay ang mga taga-Eat Bulaga, “Three times nang parang nagsalita si Yaya Dub, ‘Lolaaaa’ ‘yung una. Ang sumunod, ‘I dub you’ naman. At ang pinakahuli, ‘yung ‘Aldennnn!!!!’

“Si Yaya Dub nga ba ‘yung nagsalita? Magsasalita na ba talaga siya? Can’t wait to hear Yaya Dub’s voice, sana nga!” sabik na sabik pang komento ni Rey-Ar Reyes.

Obvious bang tutok na tutok ngayon sa kalyeserye ang mga kababayan natin sa ibang bansa? Kundi phenomenal ang maitatawag sa kasikatang ito ng AlDub ay hindi na namin alam kung ano.

Show comments