Tunghayan ang pinagmulan at pinagdaanan ng banana cue vendor na tinanghal na The Voice Kids season two grand champion na si Elha Nympha ngayong Sabado (Sep 26) sa MMK.
Bata pa lang ay mahilig ng kumanta si Elha (Brenna Garcia). Sa oras na matuklasan ito ng inang si Lucy (Nikki Valdez), lagi na nitong pinapahawak ng mikropono sa karaoke machine ang bata at pinayagan ding mag-vocal training sa kanyang tita na si Digna (Tina Paner).
Makailang beses na siyang sumabak sa auditions para sa talent searches pero hindi siya nakakalampas sa unang round. Pangarap nila ng kanyang ama na si Obet (Matt Evans) na maging isa siyang professional singer at makita sa telebisyon. Ngunit ang pangarap na ito ay biglang gumuho sa biglaang pagkamatay ng haligi ng kanilang tahanan.
Bilang panganay, pinili ni Elha na tulungan ang ina na kumayod at magbenta ng banana cue. Ang kalsada na ang kanyang naging bagong entablado dahil bigay todo kung handugan niya ng awitin ang kanyang masugid na customers. Makukuha niyang muli ang kumpyansa sa sarili na nag-udyok sa kanya sumali sa The Voice Kids - desisyong babago sa kanyang buhay niya at ng kanyang pamilya.
Tampok rin sa episode sina Bryan Termulo, Paco Evangelista, Bianca Bentulan, Tom Doromol, Menggie Cobarubbias, at Hyubs Azarcon. Ang episode ay sa ilalim ng direksyon ni Frasco Mortiz, at panulat ni Mark Duane Angos.