MANILA, Philippines – Ayaw nang patulan ni Tita Dolor Guevarra ang mga ‘drama’ ng dati niyang alagang si Sheryl Cruz na muntik nang sirain ang grand presscon ng pelikulang Felix Manalo na matagal umanong pinagplanuhan ng producer na Viva Films.
Nang dumating kasi ako sa presscon the other night sa Manila Hotel, nakita kong palabas na si Sheryl at pasakay na ng kotse na nagmamadali. ‘Yun pala ‘yung kuwento na kumalat noong Martes ng hapon na magkakaroon daw ito ng tell all interview about Sen. Grace Poe.
Kaya naman nagtanung-tanong ako. Ang sabi ng isang taga-Viva, in a way ay nagamit talaga ni Sheryl ang nasabing presscon ng Felix Manalo kung saan siya may kaperanggot daw itong role na wala namang dialogue. Ang ginawa raw kasi ni Sheryl ay nagpadala ng advisory sa lahat ng media outlet dahil meron daw siyang special presscon sa Manila Hotel na venue ng presscon ng pelikula tungkol sa unang ministro ng INC. At wala raw kamalay-malay ang mga taga-Viva na may sariling plano ito. Pero naalarma na raw ang Viva nang magdatingan ang mga news reporter kaya hindi na ito pinayagan na makadalo sa proper presscon dahil baka madamay pa ang producer at ang mismong INC at mabahiran pa ng pulitika ang pelikula na iniiwasan nila.
Though nakasingit din daw kasi si Sheryl ng interview sa ilang TV crew kung saan sinabi nitong hindi pa ready ang kanyang ‘pinsan’ na si Sen. Grace Poe na mag-presidente at pinagbibintangan niya ang talent managers na sina Tita June Torrejon at Dolor Guevarra na umano’y inimpluwensiyahan daw ang manager niyang si Rams David kaya siya binitiwan nito. Sinabi rin ni Sheryl na hindi naman sila magkapatid ni Grace.
May nabanggit pa si Sheryl tungkol sa kanya umanong negosyo na tinanggalan ng lisensiya.
Anyway, umeksena man si Sheryl sa presscon ng Felix Manalo na showing sa October 7 at magkakaroon ng world premiere sa October 4 sa Philippine Arena, hindi naman siya nakaagaw ng eksena ng mga bida sa pelikula na pinangungunahan ni Dennis Trillo.
Idinirek ito ni Joel Lamangan at mahigit 7,000 extras ang ginamit nila.
Sheryl ‘nagpapagamit’ daw
Kausap ko uli ang source ko kahapon tungkol kay Sheryl Cruz. At ang dami na naman niyang kuwento matapos mapanood ang interview nga nito sa Manila Hotel. “Paano naman paniniwalaan si Sheryl. Kahit pa itanong mo sa mga nakatrabaho niya sa GMA 7. Hindi na ‘yan bumabalik sa taping pag may change location at ayaw mag-prosthetic,” sabi ng source kaya wala na raw plano ang production ng GMA 7 na kunin uli ito.
“Talagang inggit ‘yan kasi siya hindi naka-graduate ng college saka natural sa mga mana. Saka hindi naman sinasabi ni Sen. Grace na magkapatid sila dahil sina Susan Roces at Fernando Poe, Jr. ang mga magulang ni Grace,” nanggagalaiting giit ng source.
Alam din umano ng mga dati nitong katrabaho ang attitude ni Sheryl na may sariling mundo ‘pag nasa shooting o taping.
“Alam ‘yan ni Manay Susan kaya hindi na siya nagugulat sa mga sinasabi ni Sheryl,” dagdag pa ng source.
Tungkol daw sa binanggit nitong negosyo niya na umano’y binawi ang lisensiya, paano raw hindi babawiin ‘yun eh hindi naman sa kanya ang nasabing business. Sa kaibigan umano ‘yun ni tita Susan at nang bumalik lang si Sheryl ng bansa ipinahiram sa kanya pati mga staff para siya na ang magpapatakbo ng negosyong paggagawa ng bag. Kaya lang nagreklamo umano ang real owner na si Mrs. Norma Lim dahil hindi umano pinasusuweldo ang mga staff kaya binawi na lang. “So hindi totoo ‘yung sinasabi niyang may permit na binawi sa kanya. Pinagmalasakitan lang siya, siniraan pa niya,” dagdag ng reliable source na marami pang alam na kuwento kay Sheryl at sigurado raw siyang ginagamit ito ng kalaban ni Grace sa pulitika para magsalita ng mga ganyan.
Dolor Guevarra ‘nasunog’ na sa dating alaga
Ano naman kayang masasabi ng dating manager ni Sheryl na si Tita Dolor Guevarra sa ginagawa ng dati niyang alaga?
“Naku kaya ko nga binitiwan ‘yan dahil winarningan nila ako na mapapahiya lang ako sa mga kausap ko,” pakli ni Tita Dolor na irritable ang boses kahapon.
Katuwiran ni Tita Dolor mas may respeto at pinaniniwalaan sila ng talent manager na si Rams David kaya siya (Sheryl) binitiwan nito.
Pero bukod doon ay ayaw na niyang magsalita dahil ayaw na raw niyang masayang ang oras kay Sheryl.