Nakakabit pa sa balat, TV host-komedyana markado na ang walang kahihiyan at delicadeza

Delicadeza. Kahihiyan. Napakahalaga ng mga katangiang ‘yun sa buhay ng mga pesonalidad malaki o maliit man ang pangalan. Sa aspetong ‘yun palaging nabubutasan ang mga artista, idagdag pa ang pagtanaw ng utang na loob, na isa pang importanteng barometro kung saan sinusukat ang mga personalidad.

Tawagin na lang natin siyang Delia. Nagsimula si Delia sa isang network bilang TV host at komedyana. Napakalaki ng naitulong kay Delia ng mga programang ipinagkatiwala sa kanya ng isang malaking istasyon.

Pero nasilaw ang kanyang ina sa tumataginting na alok ng isang network na kalaban ng istasyong nagbigay sa kanya ng magandang break. Agad-agad, binaklas si Delia ng kanyang ina sa pinagseserbisyuhan niyang network at inilipat sa kalaban, tinapatan pa niya ang programang nagpanganak sa kanya sa mundo ng hosting.

Tinawag siyang walang utang na loob, walang delicadeza, hindi marunong magpasalamat sa unang istasyong nagbigay ng pangalan sa kanya.

Kuwento ng isang source, “Huwag na kayong lumayo. Ano ba ang ginawa ng mag-inang ‘yun sa unang manager niya? Nagpakahirap ‘yung tao sa paghahanap ng mga projects sa kanya, halos lahat ng malls, e, naikot na niya nu’n para lang siya, makilala, pero tinalikuran niya ang taong nagpakahirap sa kanya!

“Nu’ng naikuha siya ng TVC ng manager niya, e, umangat ang name niya dahil sikat na aktor ang kasama niya sa patalastas. Pero naloka ang lahat, pagkatapos nu’n, ang mommy na niya ang nag-manage sa kanya at inetsa-puwera na nila ang pobreng manager na nagpakahirap sa kanya!” kuwento ng aming impormante.

Nakakaawa naman si Delia. Kahit gaano kalaking tagumpay man ang mara­ting niya ay palagi pa ring kakabit ng kanyang pangalan ang kawalan ng utang na loob at delicadeza.

Delia ang tawag sa kanya ng mga taong tinalikuran niya. Hango ang bansag sa kanya sa salitang ugat na delicadeza na wala siya.

Si Delia, bow! Ubos!

Hindi lang si Mayor Erap, Loi Estrada tutok din sa AlDub

Si Col. Jude Estrada ang unang nagbuking sa amin, “Ang mommy ko, palaging nakatutok sa kalyeserye. Naaaliw siya sa AlDub!” masayang kuwento sa amin ng pilotong anak ni Senadora Loi Estrada.

Kapag nakikipagkuwentuhan daw ang senadora sa kanyang mga amiga ay palaging sina Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza) ang kanilang topic. Kinikilig din sila sa AlDub, aliw na aliw sila kina Wally Bayola, Jose Manalo, at Paolo Ballesteros, na kilalang-kilala rin nila sa mga pangalang Lola Nidora, Tinidora, at Tidora.

Heto na. Nu’ng Lunes nang hapon, habang nagraradyo kami, ay nag-text uli sa amin si Col. Jude. Ang daddy raw niya, nanonood na rin ng kalyeserye, humahalakhak si Col. Jude habang nagkukuwento.

Pinagpistahan ang IG post ni Pangulong-Mayor Joseph Estrada na nakatutok sa kalyeserye habang nanananghalian sa kanyang opisina. Tuwang-tuwa ang AlDub World, wala nga namang pinipi­ling estado sa buhay ang mga nagmamahal sa pinakasikat na loveteam ngayon, pati mga pulitikong abalang-abala sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan ay nasilo na rin ng epidemya ng AlDub.

Ganu’n na katindi ang lagnat ng buong bayan kina Alden at Yaya Dub, nakapila rin ngayon ang offer ng mga ahensiya para sila ang mag-endorso ng mga produktong kilalang-kilala na sa merkado, depende na ngayon sa TAPE, Inc. kung alin-alin sa mga alok na ‘yun ang kanilang tatanggapin para sa AlDub.

Napakapositibo kasi ng kanilang dating. Aliw na aliw sa AlDub ang buong bayan. Walang makakokontra sa katotohanan na panahon ngayon nina Alden Richards at Yaya Dub.

Show comments