Sobrang dami ng tao sa venue ng announcement ni Senator Grace Poe para sa kanyang kandidatura sa 2016. Saksi ako sa buong pangyayari dahil dumalo ako sa historic announcement ni Mama Grace sa UP Bahay Alumni noong Miyerkules.
To be fair, maayos ang daloy ng trapiko sa kalsada na papunta sa UP Bahay Alumni noong Miyerkules dahil sa mga traffic enforcer na nagsiguro na hindi makakaabala ang mga supporter ni Mama Grace na white T-shirts ang suot at may bitbit na blue balloons.
Piyestang-piyesta ang atmosphere sa paligid ng UP Bahay Alumni dahil happy ang lahat. Masigabong palakpakan ang sumalubong kay Mama Grace nang dumating at nang matapos ang kanyang speech.
Live na napanood sa primetime news programs ang deklarasyon ni Mama Grace. Sure ako na lahat ng mga television network, present sa UP Bahay Alumni. Ang husay-husay nang magsalita ni Mama Grace.
Klarong-klaro sa lahat ang bawat salita na binitiwan niya na ilang beses na nahinto dahil sa malakas na palakpakan ng mga supporter na naniniwala na si Mama Grace ang simbolo ng malaking pagbabago at pag-unlad ng ating bansa.
Hindi puwedeng mawala sa big event si Susan Roces, ang asawa, at mga anak ni Mama Grace, ang mga artista na sumusuporta sa kanyang kandidatura. Na-sight ko sa UP Bahay Alumni sina Lorna Tolentino, ang mag-dyowang Zoren Legaspi at Carmina Villarroel, Shalani Soledad-Romulo, Albert Martinez, ang mga kapwa ko talent managers na sina Dolor Guevarra, Shirley Kuan, Manny Valera, June Rufino at marami pang iba.
Hindi na ako sumunod sa dinner pagkatapos ng announcement ni Mama Grace dahil umuwi na ako ng bahay.
CelebriTV walang humpay ang tawanan sa dry run
Bago ako nagpunta sa UP Bahay Alumni, sumipot muna ako sa dry run ng CelebriTV, ang entertainment talk show namin nina AiAi Delas Alas, Joey de Leon, at Ricky Lo na mapapanood na bukas sa GMA 7, 4 p.m.
Natawa naman ako sa mga ginawa namin sa dry run at mukhang maaaliw rin ang mga manonood sa CelebriTV.
Si Philip Lazaro ang direktor ng aming show at bilang magaling na stand up comedian, expert na expert na siya sa pagpapatawa at ganito ang mangyayari sa CelebriTV. Walang humpay na katatawanan ang mangyayari, kasama ang aming mga buwena mano guests, sina Willie Revillame at Alden Richards.
Ikaloloka ng lahat ang mga eksena nina Papa Joey, AiAi, at Willie na pare-parehong mahuhusay sa pagpapatawa. Wish ko lang, maawat ko ang sarili ko dahil baka mag-ala Lola Nidora ako sa pilot ng CelebriTV.
May mga request na i-guest namin sa CelebriTV si Maine Mendoza aka Yaya Dub. Hindi madali na imbitahan si Yaya Dub dahil hindi pa siya pinagsasalita. Hindi ko naman pinangarap na kopyahin ang mga dubsmash niya para magkaintindihan kami. Lalong hindi ko ma-imagine na nag-uusap kami sa pamamagitan ng dubsmash. Kaloka ‘yon ‘di ba?
Yaya Dub paparada sa Pasko
Sure nang may pelikula si Yaya Dub dahil confirmed na kasama siya sa cast ng isang official entry sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF). Excited na ang AlDub fans na mapanood si Yaya Dub sa wide screen at makita siya na nakasakay sa float na paparada sa Roxas Boulevard sa December.