Joey ayaw patulan ang pakikisawsaw ni Vice Ganda sa AlDub fever
PIK: Nakasanayan na raw ng mga magulang ni Ken Chan na minsan kilos girl siya sa bahay nila.
Nasubukan kasi niya minsan na buong araw mula nang pagkagising hanggang sa pagtulog niya ay iniisip niyang babae siya.
Hindi naman daw nagugulat ang magulang niya at mga kasamahan sa bahay na ganun ang kilos niya dahil alam nilang ini-internalize nito nang husto ang role ng isang babae.
Kuwento nito; “Nasa bahay ako tama na free ako.
“Sabi ko, what if gawin ko kaya na buong araw na iyon na babae ako? Ginawa ko as my workshop lang, para lang sa sarili ko para sa karakter ni Destiny Rose. Ginawa ko ‘yun, naintindihan naman nila kung bakit ko ginagawa ‘yun.”
Kaya parang pasok na pasok na raw sa pagkatao niya ang karakter ni Destiny Rose.
Mamaya sa GMA afternoon drama na magsisimula itong Destiny Rose na maglulunsad kay Ken Chan bilang isa sa mga big stars ng GMA 7.
PAK: Sa pagtatapos ng Startalk nung kamakalawa ng hapon, binalingan na naman si Heart Evangelista ng bashers dahil siya ang sinisisi sa pagkawala ng longest-running showbiz talk show.
Kung anu-anong komentong ipinu-post sa social media na siya ang sinisisi, pero hindi na ito pinapansin ng Kapuso actress/TV host.
Ang mahalaga kay Heart ramdam niya ang pagmamahal sa kanya ng production staff kaya ito ang ikinalungkot niya.
Ang concern ni Heart ay kung meron pa bang bagong programang maibibigay sa karamihan ng production staff na nawalan ng programa.
Kaya touched na touched ang buong production staff ng Startalk nang mag-lead ng prayer si Heart at ipinagdasal nitong sana mabuksan ng bagong pinto ang mga karamihan sa mga staff na nawalan ng trabaho.
Ang talagang ikinalungkot niya ay ang mga staff na sana ay magkaroon ng trabaho sa pagtatapos ng talk show.
BOOM: As of Saturday ng gabi, umabot na ng 6 million tweets ang #AlDubTheAbduction na tinutukan ng buong bansa nung kamakalawa ng hapon.
Hindi pa rin maipaliwanag nang husto ni Tito Joey de Leon kung bakit ganun na lang katindi ang pagsubaybay ng mga tao sa AlDub loveteam.
Sabi niya nung sandaling nagkatsikahan kami sa Startalk, kung lumagpas ng mahigit six million tweets itong AlDub, ito na raw ang hahawak ng record na may pinakamaraming tweets sa buong mundo.
Kung hindi kami nagkamali, mahigit 6 million tweets ang #lovewinds, pero kung umabot na ng 7 million ang #AlDubTheAbduction, ito na ang hahawak ng pinakamaraming tweets sa buong mundo.
May nagkuwento pa kay Tito Joey na nagkomento raw si Vice Ganda tungkol sa AlDub, at ipinagkibit-balikat na lamang niya ito. “Hindi na namin pinapansin ‘yan. Basta ini-enjoy na lang namin ang ginagawa namin sa Kalyeserye,” kaswal na pahayag ni Tito Joey.
- Latest