Bilib na bilib sa sobrang kaplastikan ng isang young actress ang mga beking magkakaumpukan isang gabi. Sila ang mga nagdadamit at naaatasang mag-make-up sa mga artista ng isang network.
Kilalang-kilala na ng mga beki ang magkakaibang katangian at ugali ng mga artista ng nasabing istasyon, alam na nila kung sino ang may magandang ugali, at kung sino naman ang bait-baitan lang sa harap ng mga camera.
Pinupuri nila ang young actress-singer na palaging kontrobersiyal. Nang masangkot ang pangalan ng female personality sa isang iskandalo nang malasing siya ay todo pa rin ang pagtatanggol sa kanya ng mga beki, nadala lang daw siya ng ispiritu ng alak, pero sa totoong buhay ay mabait ang actress-singer.
Napakalayo raw ng kanyang ugali sa isang young actress na hindi nga nasasangkot sa iskandalo, pero sa totoong buhay naman ay napakamaldita, nagtataka nga ang tropa ng mga beki kung paano nakakasundo ng kampo ng kanyang boyfriend na aktor ang babaeng ‘yun.
“Maldita siya, para siyang santa kung umasta sa harap ng mga camera, pero maldita siya. Mahirap siyang katrabaho, mapagdunung-dunungan ang babaeng ‘yun, feeling niya, e, ang galing-galing na niya.
“Isang nakausling buhok lang niya, e, sapat na para sitahin niya ang nag-aayos sa kanya. Mapagdabog pa siya, maangas, hindi bagay sa kanya ang name niya!” inis na sabi pa ng isang beki sa umpukan.
May monitor sila sa loob ng dressing room, kapag nakasalang na ang malditang young actress ay nag-aapiran ang mga beki, nakapameke na naman daw kasi ng publiko ang maldita at maangas na young actress sa kanyang kaplastikan.
“Nakakaawa naman ang boyfriend niya. Masuwerte siya sa maraming bagay, pero hindi siya suwerte sa karelasyon niyang girl na nuknukan ng kaplastikan,” napapailing pang kuwento ng isang beking nandu’n.
Ubos!
Jovit hindi nakapalag kay Wency Cornejo
Nakatagpo ng katapat si Jovit Baldivino kay Wency Cornejo. Kung pinalalampas lang ng iba niyang kasamahan ang kaangasan ni Jovit, kay Wency ay nabuyangyang ang kawalan niya ng respeto, kinampihan nito si Rene Alon na unang nagpasikat at kumanta ng Pusong Bato.
Nagkasama-sama ang tatlo sa isang fiesta sa GenSan, nakiusap si Alon na kung puwede ay ito na sana ang kumanta ng kanyang piyesang Pusong Bato, pero hindi pumayag si Jovit. Kakantahin pa rin niya ‘yun dahil nasa line-up niya.
Hindi nagustuhan ni Wency ang kayabangan at kawalan ng respeto ni Jovit sa mga musikerong mas nauna kesa sa kanya, nag-post ng saloobin si Wency, pinagpistahan sa social media ang pagmamaangas ni Jovit.
Kinabukasan ay agad na nag-text kay Alon si Jovit, humihingi ng dispensa, dahil bukod sa kinanta na niya ang Pusong Bato ay ni hindi man lang niya in-acknowledge ang musikerong nag-compose, kumanta at nagpasikat ng naturang piyesa.
Halos lahat ng mga singers ay nagbibigagay ng kredito sa tunay na kumanta ng piyesa kapag ginagamit nila, kaya kailangang ibigay ang kredito sa tunay na may-ari, isang bagay na nakalimutang gawin ni Jovit Baldivino.
May aral na natutunan si Jovit sa nangyari. Siguradong ngayon ay nakatatak na sa kanyang utak na napakahalaga ng pagbibigay-pugay sa mga musikerong mas naunang ‘di hamak kesa sa kanya.
Ang talento ng isang singer ay hindi umiikot sa pagbirit lang. Mas malaki ang ginagampanang papel ng pagrespeto sa kanilang mga katrabaho.