Buhay ni Alden Richards babalikan sa Magpakailanman

MANILA, Philippines - Isa si Alden Richards sa mahuhusay na aktor ng kaniyang heneras­yon, kaya naman hindi nakapagtataka ang magandang takbo ng kan­yang career. 

Isang ngiti at konting kaway lang niya ay tumitili na ang buong sam­­ba­yanan. ’Pambansang dimples’ at ’Pambansang Bae’ ang bansag sa kanya ng lahat. Malapit sa puso ni Yaya Dub (Maine Mendoza) ang isa sa dahilan kung bakit patok at laging trending ang tambalang AlDub. 

Ngunit sa likod ng kanyang bawat ngiti, ano ang kuwentong nakukubli? 

Ngayong Sabado, ibabahaging muli ng Magpakailanman ang tunay na kuwento ng buhay ni Richard Faulkerson, Jr. - na mas kilala na nga­yon bilang Alden Richards. 

Mula pagkabata ay minulat na ni Rosario Faulkerson, ina ni Alden, ang anak sa mundo ng showbiz. Sa pagtanda ni Alden, makikita na rin nito na bukod sa pag-aartista ay gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral, bagay na ikinatutuwa ng kaniyang ama na si Richard Faulkerson, Sr. 

Magbabago lang ang takbo ng isip ni Alden nang malaman na may malalang sakit ang ina. Hihimukin ni Alden ang ina na magpakatatag at lumaban, na kaya pa nitong mabuhay. Sasabihin naman ng ina niya na gagawin niya ‘yun kung maibibigay ni Alden ang tangi niyang hiling - ang makita ang anak na isang ganap na artista. 

Subalit sa paglipas ng panahon ay magiging mailap kay Alden ang pangarap ng ina at habang tumatagal ay humihina rin si Rosario. At sa pagpanaw ng kanyang ina, ay hindi pinanghinaan ng loob si Alden at lalo siyang nagpursige upang makamit ang kanilang mga pangarap. 

Mula 2010, napakarami na ang nabago sa kanyang buhay. Kinilala na natin noon bilang isang mahusay na actor at performer, minahal sa mga teleserye gaya ng Alakdana, One True Love, Mundo Mo’y Akin, Car­mela, Ilustrado at ngayon naman, sa pinag-uusapang kalyeser­ye ng Eat Bulaga! 

Nakapag-record na rin sya ng bagong album sa GMA Records, kung saan ang single nito na Wish I May ay nag-number 1 agad sa iTunes. 

Sa katauhan ni Alden Richards, ating masasaksihan na kung buo ang ating loob at may kalakip na pananalig sa Diyos, tiyak na matutupad ang pinakamimithing mga pangarap…sa tamang panahon! 

Makakasama ni Alden sa replay ng istorya ng kanyang buhay ay sina Jackielou Blanco gayun din si Louise delos Reyes, at ang yumaong aktor na si Mark Gil.

Mula sa direksyon ni Ms. Gina Alajar, huwag palampasin ang Magpakailanman ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto, Ang Tunay na Kuwento sa GMA 7.

Show comments