Ken napilitang ‘di siputin ang show ni Kuya Germs

Nakalabas na rin sa market ang debut album ng Kapuso singer-actor-TV host na si Ken Chan under PolyEast simply called Ken na naglalaman ng anim na remake tracks ng classic hit songs at anim na minus-one.

Ang mga awitin ay ang Dahil Ikaw, Born For You, Paikot-Ikot, Tulog Na, at dalawang hit songs ng Boyfriends na Nais Kong Malaman Mo at Sumayaw Sumunod na meron ding extended version of same song.

Tamang-tama naman na magsisimula na sa Lunes, September 14 ang kauna-una­hang TV series na pinagbibidahan niya, ang Destiny Rose na pina­mamahalaan ni Don Michael Perez.

Kaya pansamantala munang hindi mapapanood si Ken sa long-running late night show ng GMA, ang Walang Tulugan with the Master Showman ni Kuya Germs Moreno kung saan siya mainstay.

Kuya Germs nakalimutan na ng mga natulungan?!

Sa darating na October 4 ay kaarawan ng vete­ran TV host-comedian at star-builder na si Kuya Germs. Isa sa kanyang birthday wish ay ang tu­luyan niyang paggaling at maipagpatuloy ang kanyang pag­tulong sa mga kabataan na gustong maabot ang kanilang mga pa­nga­rap na walang hinihintay na ka­palit.

Sa rami ng talents na tinulungan ni Kuya Germs, sinu-sino kaya sa mga ito ang nakakaalala pa sa Master Showman?

Aminin man natin o hindi, mas marami sa kanila ang lubos nang nakalimot na minsan sa kanilang buhay ay may isang Kuya Germs na naging gabay nila.

Sa paggunita ni Kuya Germs sa kanyang nalalapit na kaarawan on October 4, doon lamang siguro muling mapapatunayan kung sinu-sino hanggang ngayon ang makakaalaala at marunong magpahalaga sa naitulong sa kanila ng nag-iisang Master Showman.

Samantala, bilang pagkilala at pagpapahalaga sa kanyang long term relationship with Kuya Germs at pagiging loyal nito sa Kapuso Network, ang da­ting Chairman-CEO at isa sa nagmamay-ari ng GMA na si G. Menardo Jimenez, gusto nitong magbigay ng isang salu-salo sa kanyang tahanan sa isang exclusive subdivision in Makati City. Gusto ni G. Jimenez na imbitahan maging ang ibang dating Kapuso na nasa ibang TV network na tulad nina Freddie Garcia, Tina Monzon-Palma, Karen Davila at marami pang iba.

Inamin sa amin ni G. Jimenez na pinahahalagahan niya ang pagiging sobrang loyal ni Kuya Germs sa GMA at maging ang mga naiambag nito sa naturang TV network.

Donna Villa at Direk Carlo J. Caparas pinagbigyan si Boss Vic ng Viva

Isa kami sa natutuwa sa pagbabalik-showbiz ng mega couple na sina Donna Villa at Direk Carlo J. Caparas na matagal ding nagpahinga sa pagpu-produce ng pelikula.

Sa pamamagitan ng Viva top honcho na si Boss Vic del Rosario, hinimok niya ang mag-asawa na maging aktibong muli sa pagpu-produce ng pelikula at magkakaroon sila ng kolaborasyon, bagay na ikinatuwa hindi lamang ng mag-asawang Donna at Direk Carlo J. kundi ng kanilang mga kaibigan in and out of showbiz na matagal ding nasabik sa kanilang muling pagbabalik.

Show comments