Hiwalay na rin ng dressing room: Jennylyn iritable at inis ‘pag si Dennis ang pinag-uusapan
PIK: Ang daming nagtatanong kung ano ang pasabog ng Startalk sa last episode nito sa Sabado.
Ayaw ng mga taga-Startalk ng emote, emote sa farewell episode nito kung saan isasabay na rin ang pag-celebrate ng kanilang 20th anniversary.
Magiging bahagi ang mga nakaraang hosts na pangungunahan ni Kuya Boy Abunda. At merong dalawampung katanungan mula sa mga viewers na walang takot na sasagutin ng Startalk. Abangan ito bukas pagkatapos ng Wish Ko Lang.
PAK: Hindi naman ipinagkakaila ni Alden Richards na dati siyang kontesero sa mga male beauty pageants at nananalo naman siya.
Ang dami kasing mga ganung pakontes sa Laguna at sali lang nang sali ang sikat na Kapuso actor.
Sa pagkakaalala namin, naging Ginoong Santa Rosa si Alden at naging runner-up din siya sa Ginoong La Laguna.
Ang sumunod ngang nanalo riyan ay si Jeric Gonzales na winner naman sa Protégé.
Sabi ni Alden, isa sa pinapasalamatan niya sa tinatamasang tagumpay niya ngayon ay ang namayapa niyang ina.
Ang Mommy daw niya talaga ang gustung-gustong mag-artista siya. Kung buhay lang daw ito ngayon, tiyak na nag-i-enjoy ito at sama raw ito nang sama sa mga tapings lalo na sa Eat Bulaga.
Naniniwala si Alden na ang Mommy daw niya ang tumutulong sa pagdarasal sa Diyos na makamit ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.
BOOM: Marami ang nakahalata kay Jennylyn Mercado na tila naiinis na ito tuwing natatanong siya tungkol kay Dennis Trillo.
Sa event ng Avon kung saan isa sa mga endorsers si Jennylyn, iniiwasan na niyang pag-usapan si Dennis.
Sabi ng aming source, maayos naman daw ang taping nila sa My Faithful Husband. Pero magkahiwalay na raw sila ng dressing room.
Dati kasi ay magkasama raw sila ng tent na standby area sa taping, pero ngayon ay magkahiwalay na raw.
Ang sabi, baka ini-internalize lang daw ng dalawang bida ang mga eksenang ginagawa nila sa My Faithful Husband kung saan may problema silang mag-asawa.
Bukas sa Startalk ay isa si Jennylyn sa special guests at ewan ko lang kung sasagutin nito ang mga tanong tungkol kay Dennis.