Umbrella girl. Ganu’n pala kung tawagin ng kanyang mga kasamahang artista, ng production staff, at ng marami pang iba ang isang young actress, dahil hindi siya puwedeng maglakad nang hindi gumagamit ng payong.
Ayon pa sa mga kuwento ay puwede siyang lumabas na walang make-up, carry niya ‘yun, pero hindi siya puwedeng lumabas na walang dala-dalang payong.
Nagkakatawanan nga ang mga nagpipista sa kanya dahil ang peg daw ng young actress ay isang may edad nang babaeng pulitiko na laging pinapayungan nu’n ng isang may edad na ring militar.
Kuwento pa ng isang source, “Makakalimutan niya ang lahat, pero hindi ang kanyang payong. Hindi kasi siya puwedeng magpaaraw, hindi maganda ang mangyayari, hindi naman kasi natural ang kaputian niya.
“Alipin kasi siya ng kung anu-anong whitening products, gusto niyang pumuti at kuminis, kaya hindi siya puwedeng maarawan. ‘Yun kasi ang kalaban ng mga ganu’ng produkto, kapag naarawan siya, hindi magpapantay ang kulay niya,” pagdedetalye pa ng aming source.
Maraming nagkakagusto sa kanyang kulay, pinupuri pa nga siya dati ng isang aktres na kung anu-ano nang paraan ang ginawa para ito mag-tan, pero ayaw namang tablan.
May mga nangbu-bully pala kasi sa young actress, may tumatawag sa kanya na negra dahil hindi nga siya kaputian, kaya pangarap niya talagang magkaroon ng porselanang kutis.
“Kaya kahit saan siya magpunta, kahit hindi naman tirik ang araw at makulimlim, e, nagpapayong pa rin siya. May kuwento pa nga na nalaman kasi kuno ng girl na ito na ang type na type ng isang very close sa kanyang young actor, e, mapuputi.
“Kaya ayun, pa-scrub siya nang pa-scrub, may iniinom pa siyang pampaputi, maganda naman kasi ang naging resulta ng mga procedures na ginagawa niya sa pangarap niyang magkakutis-porselana,” kuwento pa rin ng aming source.
Ubos!
Wally mahusay magtago ng emosyon, hindi halatang may anak na may cancer
Kung sino raw ang malakas humalakhak ay ‘yun ang may dinadalang malalim na problema. Milagro kasi ang nagagawa ng paghalakhak, pansamantalang paraan din ‘yun sa paglimot sa mga problema, kaya nga may kasabihan na laughter is the best medicine.
Ilang araw pa lang ang nakararaan ay nagdiwang ng kaarawan si Normann Garcia, anak ng mga kaibigan naming sina Tito Manny at Tita Norsky, ilang taon na nilang ginagawa ang sa halip na magpa-party ay nagpapakain sila ng mga batang may sakit na cancer.
Habang tulung-tulong nilang pinagsisilbihan ang mga bata ay may nakapagbulong kay Tito Manny, isa pala sa mga pasyenteng nandu’n ay anak ni Wally Bayola, ang napakagaling na si Lola Nidora ng kalyeserye ng Eat Bulaga.
Sabi ni Tito Manny, “Tingnan mo nga naman ang buhay. Napakagaling na comedian ni Wally, napakalakas ng sense of humor niya, panalung-panalo ang tandem nila ni Jose Manalo.
“Pero sa likod ng pagiging magaling niyang komedyante, heto ang anak niya, maysakit. Napapahalakhak niya ang mga televiewers, pero look, siguradong iniiyakan niya ang sitwasyon ng anak niyang may cancer,” sinserong komento ng aming kaibigan.
Ayon sa nakarating na impormasyon sa amin ay binibigyan lang ang kanyang anak nang limang taon para tumagal sa mundo, ito ang pinakamalaking problemang dinadala ngayon ng magaling na komedyante.
Kapag pinanonood namin ngayon ang kalyeserye ng Eat Bulaga ay magkahalo ang aming emosyon. Pinagagaan ng pagkokomedya ni Wally bayola ang aming pagod pero bumibigat ang aming dibdib kapag naaalala namin ang matinding pagsubok na kanyang pinagdadaanan.
Harinawang maipanalo ni Wally Bayola ang laban na ito.