MANILA, Philippines – Puwede nang gawing peg at makopya ang fashion style at sense nina Amor Powers at Claudia Buenavista, ang dalawang powerhouse na karakter sa hit teleserye remake na Pangako Sa ‘Yo dahil sa kakalunsad lang na ekslusibong fashion collection na sumasalamin sa katauhan ng dalawang iconic na magkaribal.
Ang Amor and Claudia Collection na handog ng ABS-CBN at CLN, ay para sa mga fashionista na gustong dagdagan ng kulay at drama ang kanilang pang-araw araw na outfit tulad nina Amor at Claudia.
Tampok sa fashion collection ang mga damit, bags, clutches, at sapatos na sumasabuhay sa personalidad nina Amor at Claudia.
“Gumawa kami ng eksklusibong mga pieces na bubuo sa collection. Ilan sa mga nasuot na damit nina Amor at Claudia na nakita na sa teleserye ay bahagi ng bagong fashion collection na ito,” pahayag ni Valerie Lao, category manager ng CLN.
Isa sa mga inaasahang magiging best-seller ay ang white jumpsuit na isinuot ni Amor Powers sa kanyang trending comeback sa Pangako Sa’Yo.
Samantala, nagpapasalamat rin si Rex Atienza, ang head stylist ng Pangako Sa ‘Yo sa proyekto ng ABS-CBN at CLN dahil hindi na lang mapapanood sa TV, masusuot na rin ang mga fashionable outfits nila Amor at Claudia ng fans.
Bago ang Amor and Claudia Collection, nagkaroon na rin ng tie-up project ang ABS-CBN at CLN noong 2012 para sa Memorata shoe collection na napanood sa Ina, Kapatid, Anak.
Mabibili ang Amor and Claudia Collection sa piling CLN boutiques nationwide.