Walang maalalang magandang karanasan ang dating manager ng isang magaling na male singer na produkto ng isang talent search tungkol sa kanyang alaga.
Kalahok pa lang daw siya ay malaking sakit na ng ulo ng kanyang manager ang male singer. Matigas ang kanyang ulo, wala siyang pinakikinggan, maangas na rin siya kahit nu’n pa man.
Galing sa isang malayong probinsiya ang male singer, sa dami ng mga aktibidad ng programang sinalihan niya ay kailangang kumuha na sila ng kahit maliit lang na tirahan dito sa Manila, ganu’n mismo ang ginawa ng kanyang manager.
Pero parang napakalaking utang na loob pa sa kanya ng manager ang ginawa nito. Kung anu-ano ang kanyang hinahanap, nagdadabog pa ito, samantalang namumuhunan pa lang naman sa kanyang talento ang manager.
Nanalo ang male singer sa kumpetisyon. Lalo siyang nagkaroon ng pasaporteng magmaangas, tumigas lalo ang kanyang ulo at nagkaroon na ng attitude problem, kaya wala pang ilang buwan nang magkampeon siya ay sumuko na ang manager sa kanyang ugali.
Sabi ng aming source, “Nakakaawa naman ang manager na ‘yun, ni hindi man lang siya nakabawi sa ipinampuhunan niya kay ____(pangalan ng maangas na male singer). Siya ang nagbayo at nagsaing, pero iba ang kumain!”
Kahit ang mga humahawak ngayon sa singing career niya ay nahihirapang dumisiplina sa male singer. Natural na sa kanya ang katigasan ng ulo, pasaway siya, lalo na kapag ang bisyo na niyang siguradong makasisira sa kanyang boses ang ipinagbabawal ng mga ito.
“Biritero lang siya, pero bukod du’n, e, wala na siyang magandang katangian. Hindi naman kasi siya guwapo, may kagaspangan pa ang balat niya, kaya ano ang dahilan para magmaangas siya?” madiing komento ng aming source.
Ubos!
Wally at Jose mas lumutang ang galing
Kung dati’y paulit-ulit na ibinu-broadcast ng Eat Bulaga kung nasaan ang tropa ng All For Juan, Juan For All, ngayon ay baligtad na ang kalakaran, hanggang maitatago nila kung nasaan ang grupo ay ginagawa ng mga host.
Sa segment din kasing ‘yun ipinapasok ang kalyeserye na talaga namang kinalalagnatan na ng buong bayan dahil sa sikat na loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub.
Paano pa sina Wally Bayola, Jose Manalo, at Paolo Ballesteros? May kani-kanyang grupo ng tagahanga rin ang tatlong komedyante-hosts.
Pero hindi pa rin sila nakalulusot, kahit ano’ng tago pa ang kanilang gawin ay naamuyan pa rin ‘yun ng ating mga kababayan, kaya punumpuno pa rin ang set ng All For Juan, Juan For All.
Kahit siguro ang pamunuan ng TAPE, Incorporated ay hindi nag-akala na ganito katindi ang aabutin ng AlDub loveteam. Pero ganu’n talaga ang suwerte, dumarating ‘yun sa iba’t ibang porma, senaryo at hugis. Sino nga ba ang mag-aakala na magkakalat ng epidemya sa buong bansa ang kanilang kalyeserye?
Ang maganda sa kalyeserye ng Eat Bulaga ay tumatakbo ‘yun ng simpleng-simple lang pero napakaganda ng daloy ng kuwento. Mas lumutang ang talento nina Wally at Jose sa paglilitanya, lalo na si Wally na kahit pa sabihing minemorya nito ang kanyang mga linya ay napakahusay pa ring magbitiw.
Ganu’n ang gusto ng ating mga kababayan, pansamantalang kasiyahan ang kanilang hanap sa hirap ng buhay ngayon, at ‘yun ang ibinibigay sa kanila tuwing tanghali ng Eat Bulaga.
Kinikilig ang mga fans nina Alden at Yaya Dub, naghahalakhakan naman ang mga tagasuporta nina Wally at Jose, balanseng-balanse ang noontime show kaya maghahanap ka pa ng ibang panonoorin?
Waley na!