Since magsisimula na ang shooting ng pang-Metro Manila Film Festival (MMFF) movie nina Vic Sotto at AiAi delas Alas na ididirek ni Joey Javier Reyes kung saan ay kumpirmado nang kasama ang pinakamainit na loveteam ngayon sa telebisyon na sina Alden Richards at Maine Mendoza, tiyak na magkakaroon na ng pagkakataon si Alden na makilala nang husto ang kanyang split-screen loveteam.
Madalas lokohin si Alden ng kanyang mga kasamahan sa Eat Bulaga na tila nagiging totohanan na ang pagtingin sa kanyang “virtual” ka-loveteam. (May iba pong report na hindi kasama si Yaya Dub. – SVA)
Ang pagiging mainit ngayon ni Alden ay malaking factor sa pagiging bahagi niya sa Sunday musical-comedy show na Sunday PinaSaya kung saan din kasama ang tambalan nina Jose Manalo at Wally Bayola ganundin sina AiAi delas Alas at Marian Rivera at iba pa.
Seven days a week nang napapanood si Alden sa telebisyon. Mula Lunes hanggang Sabado ay napapanood siya sa Eat Bulaga at kung araw naman ng linggo ay nasa Sunday PinaSaya siya.
Sa sobrang dami ng schedule ngayon ni Alden, halos wala na rin siyang pahinga. Bukod kasi sa dalawang TV shows niya ay may mga pelikula siyang gagawin, product endorsements, ang promo ng kanyang album under GMA Records, ang nalalapit niyang concert, at maging personal appearances.
Suddenly, naging super in demand si Alden at hindi na maawat ang kanyang kasikatan ngayon.
Samantala, umaasa ang AlDub fans nila ni Maine Mendoza na sana’y matuloy sa totohanan ang kanilang relasyon.
Bakit nga ba hindi? Pakikiramay...
Personal: Ang aming taos-pusong pakikiramay sa pagyao ni Nards Belen (77) ang butihing mister ng dating Manila Bulletin Entertainment Editor at columnist na si Crispina Belen na sumakabilang-buhay noong nakaraang Huwebes nang dahil sa sakit sa puso. Si G. Nards Belen ay nakaburol ngayon sa Loyola-Commonwealth in Quezon City at nakatakdang i-cremate ngayong Miyerkules.