PIK: Balik-recording si Willie Revillame dahil sa marami na siyang mga bagong kinakanta sa Wowowin.
Pinapirma ang kontrobersyal na TV host ng kontrata sa GMA Records, at sisimulan muna niyang i-record ang single niyang Nandun Ako na likha ni Vehnee Saturno.
Masaya si Willie sa mga plano ng GMA-7 sa kanyang career. Kaya abangan daw ang mga sorpresa nila sa Wowowin, at kung kailan niya ilu-launch ang mga co-host niyang sina Andrea Torres at Ryza Cenon.
PAK: Magkasunod pala ang proposal na natanggap ng mga showbiz couple na inaabangan ang kanilang pag-iisang dibdib.
Nag-propose si Conrad Onglao kay Zsa Zsa nung nakaraang August 30 at sumunod na araw, August 31 ay si Vic Sotto naman ang nag-propose kay Pauleen Luna. Simple lang naman daw ang proposal at wala naman daw gaanong drama. Mas gusto naman daw ni Pauleen na simple lang at tahimik ang relasyon nila ni Bossing.
Ang dami nang nangulit kay Pauleen na gustong interbyuhin pero nanahimik ito at nasa Amerika pa siya.
Mas gusto raw nila ni Bossing Vic na i-enjoy lang muna at huwag na raw gawing malaking isyu ang tungkol sa engagement.
BOOM: Hindi muna nagbigay ng statement ang production staff ng MariMar tungkol sa nangyaring aksidente sa taping nila sa La Union.
May isang misis ng isang crew na nag-taping doon na kasama sa bangka na nag-capsize dahil sa lakas ng alon.
Binanggit lang naman ng misis nito na sana raw kumuha ng malaki-laking bangka na gagamitin para hindi basta-bastang pataubin ng malakas na alon.
Nilinaw ng ilang taga-production ng MariMar na may safety measure sila sa set.
Hindi lang maiwasan ang mga ganung aksidente, at mabuti na lang safe naman ang lahat at walang nangyaring masama.
Hindi naman daw nila masisisi ‘yung misis na ‘yun na mag-post dahil sa nag-alala siya sa nangyari sa kanyang asawa.
Isa sa mga araw na ito ay maglalabas sila ng statement kaugnay dito. Pero nilinaw nilang safe lahat at sinisikap naman daw nilang maging safe ang lahat lalo na sa mga ganu’ng taping out of town.