Pangako... at On the Wings of Love, milyones ang nanonood sa iWanTV…

MANILA, Philippines - Hindi pa rin natitinag ang lakas ng ABS-CBN sa national TV ratings noong Agosto matapos itong pumalo sa national audience share na 45%, o sampung puntos ang lamang sa kalabang network na may 35%, base sa datos mula sa Kantar Media.

Nanatili pa rin sa pangunguna sa ibang panig ng bansa ang Kapamilya network kabilang ang Balance Luzon (mga lugar sa Luzon na nasa labas ng Mega Manila) kung saan humataw ang Kapamilya network taglay ang average total day audience share na 48% kumpara sa 35%, sa Visayas na may 58% kontra sa 26% ng katapat, at sa Mindanao na mayroong 58% laban sa 27% ng kalaban.

Mahigpit na kinapitan ng buong sambayanan ang pagtatapos ng The Voice Kids season 2, kung saan nagwagi ang banana cue vendor ng Team Bamboo na si Elha Nympha. Nanguna sa listahan ng pinakapinanood na programa sa bansa ang The Voice Kids na mayroong average national TV rating na 41.6%.

Hindi rin naman bumitaw ang TV viewers na makapigil hiningang pagtatapos ng primetime teleserye na Bridges of Love na humataw ng average national TV rating sa 24.8%.

Samantala, mainit na tinanggap naman ng primetime viewers ang kauna-unahang teleserye nina James Reid at Nadine Lustre na On the Wings of Love. Pumasok agad sa top 10 programs noong Agosto ang romantic series ng JaDine love team na may average national TV rating na 22.6%, laban sa katapat na may 12.3%.

Mas nag-apoy naman ang Kapamilya Gold block ng ABS-CBN dahil sa pagsisimula ng mga bago nitong programa na Doble Kara at All of Me. Wagi sa puso ng afternoon viewers ang Doble Kara ni Julia Montes na mayroong average national TV rating na 16.4%, samantalang pumalo naman ng natio­nal TV rating na 18.4% ang pilot episode ng comeback project ni JM de Guzman noong Lunes (Agosto 31).

Bukod sa TV viewership, mainit na pinapanood na rin ang mga palabas ng ABS-CBN sa kanilang computers, laptops, o smartphones gamit ang video-on-demand at livestreaming service ng iWanTV na nakakuha ng 83 mil­­yong page views noong Agosto mula sa 81 milyong nakuha nito noong Hulyo. Nangu­­nguna sa pinakapinanood na Kapamilya shows online ang Pangako Sa’yo (3.1 million views), On the Wings of Love (2 million), Pinoy Big Brother 737 (1 million views), Pasion de Amor (796,365 views), at The Voice Kids season 2 (766,458 views).

Show comments