Sa September 14 ay magiging senior citizen na si Edu Manzano dahil magdiriwang na ang aktor ng kanyang ika-60 na kaarawan. Masayang-masaya si Edu na sa kanyang edad ay wala pa siyang nararamdamang sakit. “I take pride in the fact na hindi ko pa kailangan ng maintenance and I hope I can live the rest of my life na wala na akong maintenance. Sabihin natin na sa diet and exercise, dapat ‘yung tama na makakatulong sa iyo to extend your quality of life. At my age I can still run, I can still play badminton, I can still play squash three times a week. Nagyo-yoga na ako, susubukan ko ‘yun naman para sa inner peace,” nakangiting pahayag ni Edu.
Bukod sa pagkakaroon ng healthy lifestyle ay marami pa raw gustong makamit ang aktor sa mga darating na taon. “Ang dami honestly. Gusto ko pang makapag-triathlon. Katulad ng anak kong si Luis (Manzano), gusto ko makapag-bungee jumping. Eh kasi if you’re going out, you go out in style hindi ba? Hindi ‘yung bigla kang aatakihin sabay tigok. I want to go out in style. So I’m looking for many more exciting times in my life,” pagbabahagi ng aktor.
Elha walang balak kalimutan ang banana cue
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagmula sa Kamp Kawayan ni Bamboo ang grand champion ng The Voice Kids. Hindi raw inakala ng banana cue vendor na si Elha Mae Nympha na siya ang magwawagi sa nasabing kompetisyon. “No’ng nag-perform po ako ng Ikaw ang Lahat sa Akin, kinakabahan po ako. Kasi po siyempre performance po iyon. Mas lalo pa po akong kinabahan sa announcement kasi hindi ko pa po alam kung sino ang mananalo,” kuwento ni Elha.
Kasama sa mga napanalunan ng bata ang 1 million pesos cash, trust fund na nagkakahalaga rin ng 1 million, recording contract mula sa MCA Music, isang bagong kotse, at house and lot. Marami tuloy ang nagtatanong kay Elha kung itutuloy pa rin ba niya ang pagtitinda ng banana cue sa rami ng kanyang mga nakuhang premyo. “Magtitinda pa rin kami ng banana cue. Balak ko po magtayo ng restaurant na may banana cue. Iipunin ko muna po iyon (cash prize) para kapag may kailangan po kaming bilhin or may sakuna po, gagamitin po namin ‘yun,” nakangiting pahayag ni Elha.
Sa ngayon ay nangangarap ang bata na sumikat sa larangan ng musika kaya mas pagbubutihin pa ang kanyang pagkanta. Nais ding tulungan ni Elha ang kasamahang finalists sa The Voice Kids upang sabay-sabay silang sumikat. “Wala pong mawawala sa pagkakaibigan namin. Kapag sumikat po ako, kailangan ko rin po silang dalhin para sumikat din po sila,” pagtatapos niya.
Reports from JAMES C. CANTOS