Ibang level ‘pag inaatake ng init ng ulo aktor madalas turukan ng pampakalma ng kanyang PA!

Malaking dahilan ng kawalan ng trabaho nga­yon ng isang kilalang male personality ang pagiging mainitin ng kanyang ulo. Konting kibot lang ay nagtutungayaw na ang aktor. Gusto nang mang-away.

Nagtataka pa siya kung bakit matumal ang da­ting sa kanya ng trabaho, ibinibigay niya raw naman ang lahat-lahat ng hinihingi sa kanya ng produksiyon, pero bakit paminsan-minsan lang siya nabibigyan ng pagkakataong umarte?

Maraming beses nang nagiging sentro ng reklamo ang magaling pa naman sanang aktor na ito. Hindi niya nirerespeto ang pagpapahinga ng crew, nasa kanilang usapan ng network na may takdang oras ang kanilang break, walang pakialam du’n ang maga­ling na aktor.

Kuwento ng isang sour­ce, “Bago siya makauwi, may naiiwanan pa siyang dalawang eksena. E, tumiyempo ‘yun sa break ng mga cameramen. Nasa CBA nila ‘yun, kailangang res­petuhin ng production ang pahinga nila.

“Aba, nagalit si ____(pangalan ng aktor), bakit daw kailangang maiwanan pa ang dalawang eksena niya, hindi raw tuloy siya makauwi, malaking abala raw ang break ng mga crew sa mga tulad niyang artista!

“Wala siyang nagawa, kinailangan niyang maghintay, handang makipag-upakan sa kanya ang mga nandu’n kapag nagwala siya. Naramdaman niya ‘yun, kaya wait na lang siya sa set,” natatawang kuwento ng aming impormante.

May kahanginan din ang magaling pa naman sanang aktor. Pakiramdam niya ay regalo siya ng langit sa mga kababaihan. Sumumpa ang isang magaling na aktres na hindi na makikipagtrabaho pa sa kanya dahil sa kawalan niya ng respeto.

Kapag nag-iinit na pala ang ulo ng magaling pa naman sanang aktor ay maagap ang kanyang PA na iniksiyunan siya kaagad ng pampakalma. Pero habambuhay na lang ba siyang ganyan?

Ubos!

Imbes na magpahinga nagpupuyat pa, Kris ini-stress ang sarili sa social media

Madalas sabihin ni Kris Aqui­no na health is wealth. Aanhin daw natin ang salapi kung masasakitin naman tayo? Siya ang madalas maringgan ng ganu’ng opinyon.

Pero mukhang hindi swak sa mga sinasabi ni Kris ang nangyayari sa kanya ngayon. Madalas siyang maospital, palagi siyang nagkaka-allergy, konting kibot lang ay meron na siyang ubo at sipon.

Sobrang magmahal sa kanyang trabaho si Kris. Propesyonal siya, sa usapin ng pagpapahalaga sa trabaho ay maraming kailangang kumuha ng seminar sa kanya, importante kay Kris ang mga kasamahan niya sa trabaho at ginagastos ng produksiyon.

Pero ang hindi natin alam, pagkatapos pala ng kanyang shooting at taping ay hindi pa rin nagpapahinga si Kris. Nakatutok siya sa social media, inaalam niya ang mga nangyayari sa kanyang paligid, sinasagot niya ang mga followers niya sa Facebook at Twitter.

Sa halip na ipagpahinga niya na lang ang mga natitira pa niyang oras na libre ay sige pa rin siya sa katu-tweet. Positibo at negatibong komento ay pinapatulan niya.

Punumpuno ng stress ang buhay ni Kris. Wala kasi siyang pinalalampas, mahilig siyang pumatol sa mga netizens, Patola Queen tuloy ang tawag sa kanya ngayon ng marami.

Ayon sa mga doktor ay madaling hanapan ng lunas ang maraming sakit, pero ang stress ay mahirap gamutin, ang may katawan lang mismo ang makagagamot sa kanyang sarili.

Show comments