Mas malaki raw ang kita? Heart tigil muna sa pagpinta sa canvass, sa designer bags at gowns naka-concentrate

PIK: Ayon kay Tito Joey de Leon, mahaba pa raw talaga ang tatakbuhin ng kuwento ng kalye­serye at marami pa raw kasing mangyayari sa mga pangunahing karakter. Hindi tuloy makumpirma ni AiAi delas Alas kung kasali na nga ba sina Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza) sa pang-Metro Manila Film Festival (MMFF) entry nila ni Vic Sotto.

Sabi ni AiAi, mas mabuting tanungin na lang daw si Malou Fagar at Mr. Tony Tuviera ng APT Films. Sabi nga ni Tito Joey, hindi pa raw nila masasabi kung kailan matatapos ang sikat na sikat na kalye­serye. Bukod kasi sa AlDub, inaabangan na rin ang magkakapatid na lola na ginagampanan nina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros.

Dagdag pang tsika ni Tito Joey, abangan daw kung sino ang kapatid ng tatlong lola na maaring nanay pala ni Yaya Dub.

PAK: Masayang-masaya ang mga Dabarkads ng Eat Bulaga nung kamakalawa ng hapon dahil sa mahigit tatlong mil­yong tweets ang inabot ng #ALDUBMaiDenHeaven.

Nalagpasan na nga nito ang #PapalVisit na lahat sila hindi akalaing ganun talaga kainit ang pagtanggap sa naturang kalyeserye.

Kaya panay ang pasasalamat nilang lahat lalo na sina Alden at Yaya Dub sa lalong lumalakas na suporta sa kanilang loveteam at sa buong Eat Bulaga.

Kaya lalong dumarami ang mga gustong kumuha kay Alden sa iba’t ibang okasyon.

Kahit hindi pa nagsasalita si Yaya Dub, marami na ring nagpapa-book sa kanya na dumalo sa mga Christmas party. Pero hanggang sa ngayon ay wala pa ring kinukumpirma ang Eat Bulaga sa mga gustong kumuha sa kanya.

BOOM: Titigil muna si Heart Evangelista sa pagpipinta dahil ang pi­nagka­abalahan nito ay ang mag­pinta sa mga bags.

Dahil sa magaganda ni­yang gawa sa mga bags, lalong dumarami ang nag-order sa kanya na magpinta sa kanilang mga designer bags. Tambak na raw ito, kaya wala na siyang time na magpinta sa canvass.

May ilang nakausap ka­­mi na nagpagawa kay Heart na binayaran daw nila ng hanggang 60 thou­sand pesos para lagyan lang ng design ang kanilang bag.

Napangiti lang si Heart nang tinanong namin tungkol dito. Sabi niya, ginagawa lang daw niya ito sa mga kaibigan niya na hindi niya matanggihan.

Pero nag-i-enjoy daw siya dahil mas­yadong mahirap at maselan ang pagpinta sa mga designer bags.

“Medyo mahirap kasi kailangan hindi ka magkamali. Pero nag-i-enjoy ako,” pakli ng Kapuso actress.

Nakatakda si Heart na magpinta sa mga gown na gawa ni Mark Bumgarner sa gala show nito sa October 1 na gaganapin sa Marriot Hotel.

Meron din daw children books ang gagawan niya ng illustration. Sa October na rin daw ito ilalabas.

May walong clutch bags na limited edition na may paintings din niya ang ibebenta sa isang boutique sa Rockwell.

Show comments