MANILA, Philippines – Matapos maudlot ang serye nila ni Judy Ann Santos, papasok muna ang tinaguriang Hari ng Daytime TV na si Richard Yap simula ngayong week sa top-rating afternoon drama series ng ABS-CBN na Nasaan Ka Nang Kailangan Kita.
Hindi pa nalilimutan ng karamihan ang karakter ni Richard bilang si Ser Chief sa phenomenal daytime drama series na Be Careful With My Heart, kung saan kinilala siya bilang Favorite Anak TV Makabata awardee, at Best Actor sa 2012 Golden Screen TV Awards, PMPC Star Awards for TV, at Paragala Central Luzon Media Awards.
Sa kanyang pagbabalik-teleserye, kakaibang Richard naman ang makikita ng televiewers sa kanyang pagganap sa seryeng pinagbibidahan nina Denise Laurel, Jane Oineza, Loisa Andalio, at Vina Morales.
Gagampanan niya ang karakter ni Carlo, ang kababata ni Cecilia (Vina) na matagal nang naghihintay para sa muli nilang pagkikita.
Paano magbabago ang takbo ng mga mundo nina Carlo at Cecilia sa muling pagtatagpo ng kanilang mga landas? Magiging hadlang nga ba si Carlo sa pagbubuo ng pamilya nina Cecilia at Leandro (Christian Vasquez)?
Sa ilalim ng direksyon nina Mervyn Brondial at Cathy Camarillo, ang Nasaan Ka Nang Kailangan Kita ay kuwento ng apat na babaeng sumasalamin sa iba’t ibang mukha ng pag-ibig.
Ang Nasaan Ka Nang Kailangan Kita ay napapanood araw-araw, sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
Alice bigla raw nag-‘mature’
Lalabas na ngayong gabi sina Megan Young and Tom Rodriguez bilang MariMar and Sergio respectively.
Nakakaisang linggo na ang Marimar sa ere at so far, maganda ang feedback.
Ang napansin lang ng viewers ay si Alice Dixson na parang biglang nag-mature. Parang mas bagay daw yata sina Zoren Legaspi at Ina Raymundo.
Kailangan daw yatang maging madalas ang pagpunta ni Alice sa clinic ni Dra. Vicki Belo. Hihihi.
Anyway, nabawasan naman ang kaba ni Megan matapos siyang bigyan ng suporta ng dating Marimar at Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Matapos ang production number ni Megan kasama ang kanyang leading man na si Tom Rodriguez two weeks ago sa Sunday PinaSaya, nagulat ito nang tawagin ni Alden Richards si Marian upang batiin siya. Agad namang nagbigay ng mensahe si Marian kay Megan at niyakap ito, “Alam naman natin lahat na yung Marimar ang isa sa mga pinakaminahal ng tao na ginampanan namin dalawa ni Thalia. Kaya naman sa araw na ito, ibinibigay ko sa iyo ang taos puso kong pagbati.”
Sa direksiyon ni Dominic Zapata, mapapanood ang MariMar gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.
Reelive the classics, extended!
Extended ng isa pang linggo ang REELive the Classics sa Power Plant Cinema 5 kung saan ipinapalabas ng ABS-CBN Film Restoration Project ang mga pelikulang nai-restore na nito in full high definition format.
“Maganda ang naging pagtanggap sa REELive the Classics sa unang linggo nito. Binigyan nito ang aming mga manonood ng iba’t ibang classic films na talaga namang na-enjoy nila. Naniwala ang Rockwell at aming patrons na ang mga ganitong pelikula ay dapat accessible sa lahat kaya naman nagpasya kami na i-extend ang exhibition ng restored films ng isa pang linggo,” sabi ng Power Plant Cinema manager na si Meg Visco.
Sa ikalawang linggo ng REELive the Classics, panoorin ang mga bagong titulo tulad ng Bata Bata Paano Ka Ginawa, Nagsimula sa Puso, Pare Ko, Milan, Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?, at Virgin People.
Taong 2011 nang simulan ng ABS-CBN Film Restoration Project ang pagre-restore ng classic films para mapanatiling buhay ang cinematic history ng mga Pilipino. Katuwang ang Central Digital Lab, ito ang pinakaunang restoration na ginawa mismo sa bansa.
Mahigit 100 titulo na ang nai-restore ng ABS-CBN Film Restoration Project kung saan Ilan sa mga ito ay naipalamas na sa international film fests, naipalabas sa bansa via red carpet premieres, naere sa free-to-air at cable television, natunghayan sa pay-per-view at video-on-demand, nabili sa DVD at na-download maging sa iTunes.