Arron at Yen mabilis na napaamin sa kanilang ‘romansa’

Hindi akalain ni Arron Villaflor na agad ay mabubunyag ang panliligaw niya sa isang kapwa niya artista. May larawan kasi siya na may hawak na bouquet at naghihintay na makapasok sa isang saradong pinto. Agad ay nailagay ito sa Instagram account niya at nagsimulang magkainteres ang marami sa kung sino ang nasa kabila ng pinto na paghahandugan niya ng bulaklak. Walang sinabi tungkol dito ang 25 taong gulang na aktor sa pag-uurirat ni Boy Abunda kundi ang clue na maggi-guest din daw ito sa programa niyang Aquino & Abunda Tonight na kung saan ay sumunod sa kanya si Yen Santos.

Walang choice si Yen kundi aminin na nanliligaw nga sa kanya si Arron pero, nasa getting to know stage pa lamang sila. “Hindi pa kami exclusively dating pero, matagal na ka­ming friends,” sabi ng napaka-in demand na Kapamilya artist na bida sa bagong panghapong teleserye ng ABS-CBN na pinamagatang All of Me kasama sina JM de Guzman at Albert Mar­ti­nez. Kasama din sa pro­yekto si Arron na kung saan ay nagsimula ang kanilang “romansa”. Kung matutuloy sa isang full blown romance ang kanilang relasyon ang siyang pinakaaabangan ng kanilang mga kaibigan dahil first time nilang ma-link sa kapareho nilang artista.

Bukod sa All of Me, kasama si Arron sa pelikulang Heneral Luna na kung saan ay gumaganap siya ng role ng fictional character ni Joven na kaibi­gan ng isang heneral. Pero bukod sa pag-arte, ba­hagi din si Arron ng paggawa ng kuwento ng pelikula.

Richard Yap bubuhayin ang lovelife ni Vina

Si Richard Yap pala ang gaganap ng role ng child­hood friend ng character ni Vina Morales na si Celine sa seryeng Nasaan Ka Nang Kailangan Kita.

Magkikitang muli ang magkababata at magsisi­mu­la ang  isang bagong kabanata ng pag-ibig sa buhay ng pinakapangu­nahing character sa matagum­pay na serye ng ABS-CBN sa hapon sa kabila ng pang­­yayaring pareho na silang may sari-sariling pa­milya.

First time mag­kaka­sama ng dalawang Cebuano sa isang proyekto kahit pa iisang network lamang ang kinabibilangan nila. Naikwento ng tsinitong aktor na una niyang nakita ang aktres nung  nagsisimula pa lamang siyang maging artista sa isang event na dinaluhan nito sa Cebu. Pero, hindi niya ito nilapitan dahil hindi pa nga sila magkakilala.

Akting ni Angelica kinilala sa Guam International Film Festival 

Habang abala sa kanyang pakikipag-away sa kanyang bashers si Angelica Panganiban na iniintriga kay Bea Alonzo, isang magandang balita ang dumating sa kanya na hindi ikatutuwa ng kanyang mga kaaway dahil muli na naman niyang pinatuna­yan ang kanyang kagalingan sa kanyang trabaho sa pagkakabigay sa kanya ng nominasyon for Achievement in Acting ng Guam International Film Festival para sa movie niyang That Thing Called Tadhana na dinirek ni Antoinette Jadaone. Kabilang din ang pelikula sa nominado for Best Narrative Feature. Si Buboy Villar naman ang counterpart ni Angelica sa aktor para naman sa Kid Kulafu.

Marami ang nagpapayo na huwag na lang patulan ni Angelica ang kanyang bashers pero, lubha marahil siyang nasaktan kaya pumatol na siya.

Show comments