Pag-ibig o pera? Pagmamahal o mga materyal na bagay sa mundo? Kaligayahan o kayamanan? ‘Yun ang madalas na tanong ngayon ng isang magandang female personality sa kanyang sarili.
Naiipit siya ngayon sa dalawang sitwasyon. Ang personal niyang kaligayahan kontra sa pagtutol ng kanyang pamilya sa pinili niyang lalaking gusto niyang makasama habambuhay.
Dati kasi’y literal na nahihiga sa salapi ang magandang female personality. At hindi lang siya, ang kama ng kariwasaan sa buhay ay may ekstensiyon, pati ang kanyang pamilya at mga kamag-anak ay nagbuhay-mayaman din.
Pero ang tanong, maligaya ba naman ang babaeng personalidad sa klase ng buhay na meron siya, masaya ba ang kanyang puso sa pakikipagrelasyon sa isang milyonaryong hindi niya naman mahal?
Pero dahil mahal na mahal ng female personality ang kanyang pamilya ay kumapit siya sa patalim. Nakipagrelasyon siya nang matagal na panahon sa isang lalaking parang tatay na niya ang edad. Naibigay niya ang lahat ng materyal na pangangailangan ng kanyang pamilya, pero hindi siya maligaya, isang lalaking magmamahal pa rin sa kanya at mamahalin niya ang hanap ng magandang babae.
Sa isang mabilis na kuwento ay humiwalay ang babae sa milyonaryo. Pinaiwanan sa kanya ng lalaki ang lahat ng mga branded na kagamitan na binili nito para sa kanya. At para hindi na mapakinabangan ay binuhusan pa nga nito ng pintura ang kanyang mga branded bag at shoes.
May bago na siyang mahal. May pera rin naman pero hindi kayamanan. Hindi masyadong maganda ang takbo ng kanilang pamilya ngayon dahil sa panunumbat ng mga ito na nasa kama na nga siya ay kung bakit mas pinili pa niyang bumalik sa banig.
Pero wala nang pakialam ngayon ang female personality sa kahit ano pang gustong sabihin ng kanyang mga kadugo. Sabi siguro niya, “Ibinigay ko na nu’n ang katawan ko sa isang lalaking hindi ko naman mahal para sa inyo, kaya huwag n’yo na akong pakialaman ngayon.”
Ubos!
Nakabangon na sa depression at stress AiAi nahihiya nang humingi ng biyaya kay Lord
Sa bawat paggising ngayon ni AiAi delas Alas ay wala siyang ibang nakikita kundi ang mga biyaya ng Diyos na ipinagkakaloob sa kanya. Bago ang lahat ay pagdarasal ang kanyang inuuna, prayoridad para sa kanya ang pasasalamat, nahihiya na nga raw siyang humingi dahil minsan ang ibinalik ng kapalaran ang lahat ng nawala sa kanya.
Isang network na may matinding paniniwala sa kanya (GMA 7). Mga proyektong patuloy na magpapalutang sa kanyang talento na minsan isang panahon ay parang binalewala na ng iba.
Isang karelasyon na hati ang pokus, siya at ang pag-aaral nito, pareho silang abala sa araw-araw kaya malusog ang kanilang relasyon. Ano pa nga ba naman ang kailangang hingin ng Comedy Concert Queen lalo na’t maayos na maayos ang sitwasyon ng kanyang mga anak?
“Sa totoo lang, nakakahiya na kay Lord kapag humirit pa ako ng dagdag!” tawa nang tawang simula ng komedyana. “Puro pasasalamat na lang ang ginagawa ko ngayon dahil sobra-sobra na ang mga biyayang ibinibigay Niya sa akin.
“Hindi lang sa trabaho na minsang nagbigay sa akin ng depression at stress, pati ang mga anak ko, ang personal na buhay ko, ginamot Niyang lahat-lahat,” sinserong pahayag ni Ai Ai.
Nu’ng mga panahong kalungkutan ang palagi niyang kasama ay hindi kami nag-isip minsan man na mawawala sa gitna ng laban si AiAi. Maganda kasi ang puso niya, puwedeng bilang taong marupok ay nakagagawa siya ng mga kakulangan at kalabisan na hindi sinasang-ayunan ng iba, pero nababasa ng Diyos ang laman ng kanyang kalooban.
Wala siyang ere, walang kaangasan, marunong siyang magbahagi ng mga tinatanggap niyang biyaya sa mga mas nangangailangan. Hindi sumasayad sa lupa ang karera ng mga tulad ni AiAi.
Ang talento niya at ang panahon ang patuloy na magtatayo sa kanya. At heto na nga. Ang lahat ng nawala ay nadagdagan pa. Punumpuno at umaapaw pa ang mga biyayang dumarating sa kanya ngayon.
“Thank you, Lord,” bukambibig na lang ngayon ng Comedy Concert Queen.