Cong. Alfred nagtrabaho kahit may sore eyes!

Uso ngayon ang sore eyes kaya may babala sa lahat si Congressman Alfred Vargas, ang maghugas palagi ng mga kamay at iwasan ang “contact”.

May karapatan si Alfred na magbigay ng warning dahil biktima siya ng sore eyes.

Umapir kahapon si Alfred sa Kongreso na suot ang kanyang dark shades para hindi siya makahawa.

Can’t afford si Alfred na hindi mag-report sa opisina dahil sa rami ng mga trabaho na dapat tapusin, hitsurang hirap na hirap siya sa pagbabasa dahil sa kanyang dark shades.

Mister ng nasagasaang ginang, nabuhayan ng loob kay Sen. Tito Sotto

Tutulungan ni Senator Tito Sotto ang misis na nasagasaan ng sasakyan na minamaneho ng isang lasing na lalaki.

Nangyari ang aksidente nitong buwan na kasalukuyan pero na-dismiss agad ang kaso, ayon sa asawa ng biktima na nakausap kahapon nina Wally Bayola, Jose Manalo, at Paolo Ballesteros sa Juan for All, All for Juan segment ng Eat Bulaga.

Takang-taka ang mga host ng Eat Bulaga dahil mabilis na nadesisyunan ng fiscal ang kaso.

Naantig ang puso ni Vic Sotto sa kuwento ng mister na pinapirma ito ng kasulatan ng nagagalit na abogado ng akusado para hindi na sila makapaghabol ng asawa niya na nabalian ng mga paa at hindi pa makapagtinda na ikinabubuhay ng kanilang pamilya.

Ang kuwento ng mister ng biktima, may milagro na nangyari sa imbestigasyon ng kaso.

Eh napanood ni Tito Sen ang interbyu sa pobreng mister kaya ipinahihingi niya ang mga police report at ibang detalye ng aksidente.

Gustong malaman ni Tito Sen ang pangalan ng fiscal na humawak sa kaso. Nangako siya na patutulungan ang biktima sa mga abogado ng senado.

Tuwang-tuwa ang lalaki dahil nabuhayan siya ng pag-asa na magkakaroon ng hustisya ang nangyari sa kanyang misis.

May dapat ipagpasalamat ang akusado, abogado, at ang fiscal na may hawak sa kaso dahil hindi binanggit ng mga naagrabyado ang kanilang mga pangalan kaya nakaiwas sila sa kahihiyan.

Kalyeserye kinaaliwan kahit absent ang AlDub

Absent kahapon si Alden Richards sa Eat Bulaga dahil may raket siya sa Jovellar, Albay kaya wala rin si Maine Mendoza aka Yaya Dub sa Juan for All, All for Juan.

Matagal nang commitment ni Alden ang raket sa Albay pero nagawa pa rin ng Eat Bulaga staff na kunan ng video ang kanyang airport departure.

Kinunan din ng Eat Bulaga staff ng video ang pamimili ni Alden ng sangkatutak na pili products sa Albay dahil ito ang challenge sa kanya ni Lola Nidora (Wally Bayola). Mabilis na naipadala sa Maynila ang video ng pagpunta ni Alden sa Albay kaya naipalabas agad ito kahapon sa Eat Bulaga.

Kahit missing in action sa Eat Bulaga sina Alden at Yaya Dub, nag-trending kahapon ang kalyeserye dahil naaliw ang televiewers sa mga eksena nina Jose Manalo, Lola Nidora at Lola Tidora (Paolo Ballesteros).

Alam kasi ang pakiramdam ng nabu-bully Dra. Vicki tutulong ng 12 bingot

Labindalawang pasyente na bingot o may cleft lip and palate ang hinahanap ni Dra. Vicki Belo para sa medical mission ng Belo Care.

Naranasan ni Mama Vicki na maging biktima ng mga bully noong bagets pa siya dahil sa kanyang katabaan at dami ng pimples sa mukha.

Dahil sa karanasan niya, ipinangako ni Mama Vicki na tutulungan niya na mapaganda ang lahat at natupad ito nang maging doktor siya.

May soft spot sa puso ni Mama Vicki ang mga bata na bingot kaya ito ang bibigyan niya ng tulong.

Libre ang operasyon at hospitalization ng 12 qualified patients dahil sasagutin ito ni Mama Vicki at ng Belo Care. Sa mga gusto na makatulong sa mga bata na may cleft lip and palate, ipadala ang inyong mga email sa beyondbeauty@belomed.com.

Show comments