Maraming manggagawa ng pelikulang Pilipino ang hindi pa rin nakalilimot sa sobrang kagaspangan ng ugali ng isang male personality na nangarap na sumikat bilang artista pero hindi naman kinasihan ng pagkakataon.
Mapera ang pamilya ng lalaking personalidad, kayang-kaya niyang magprodyus ng mga proyektong makapagpapaangat sa kanyang pangalan, pero walang nagawa ang kanilang kayamanan sa pagsungkit sa kanyang mga pangarap.
Kuwento ng isang source, “Nu’ng last shooting day ng pelikulang pinagbibidahan ni ____(pangalan ng milyonaryong male personality), e, umandar uli ang katabilan ng dila niya. Nagpa-dinner siya nang bonggang-bongga. May lechong baka pa nga.
“Kaso, biglang nawalan ng ganang kumain ang mga kasamahan niyang artista, pati ang staff at crew, dahil ang sabi niya, ‘O, ayan, may lechong baka pa tayo, ha? Umorder talaga ako para naman mamantikaan ang mga nguso n’yo!’
“Nakakaloka siya, di ba? Para bang nu’n lang makakatikim ng lechong baka ang mga kasamahan niya, e, ang dami-daming artistang nagpapa-lechong baka rin kapag last shooting daw nila!” inis na kuwento ng aming impormante.
Nakaugalian na rin sa showbiz na kapag last shooting day ay may ihihahandang regalo ang mga artista, may konting pakimkim pa, pinaghandaan naman ‘yun ng mapangarap na male personality.
“Pero ang ginagawa niya, e, pinapila pa niya ang staff and crew. Isa-isang tinatawag ang pangalan nila para sa pagtanggap ng nakasobre niyang pakimkim. Nakakahiya, iniaabot lang ‘yun kadalasan, hindi ‘yung pinapipila pa ang mga tatanggap!
“Ayun! Wala tuloy nangyari sa career niya, waley na waley, kahit pa gumawa siya ng gimik na nililigawan niya ang isang sikat na female personality na alam niyang magagamit niya.
“At dahil nabigo siyang sumikat, nasaan na siya ngayon? Pulitiko na siya, bagay na bagay siya sa pinasok niyang mundo!” nakataas pa ang kilay na kuwento ng aming source.
Ubossss!!!!
Ellen DeGeneres interesadong hiramin si Yaya Dub
Interesado pala ang international TV host na si Ellen DeGeneres na maging panauhin sa kanyang programa si Maine Mendoza na mas kilala na ngayong bilang si Yaya Dub. Malapit ang puso ng TV host sa mga Pinoy, saludo ito sa talento ng ating mga kababayan, maraming sikat na singers at artista na ngayon ang dumaan sa page-guest sa kanyang show.
Pero hindi ‘yun mangyayari sa ngayon dahil sa napakahigpit na schedule ni Yaya Dub. Araw-araw siyang napapanood sa Eat Bulaga, ang araw ng Linggo na dapat sana’y puwede na niyang angkinin ay nagagamit pa rin sa kanyang mga meeting, may gagawin pa siyang pelikula bilang guest sa pinagbibidahang proyekto nina Bossing Vic Sotto at AiAi delas Alas para sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ano pa ang natitirang panahon ngayon para kay Yaya Dub? Wala na nga, kaya ang kanyang pamilya na ang dumadalaw sa kanya sa set ng kalyeserye ng Juan For All, All For Juan ng Eat Bulaga.
May ipinakitang rating sheet sa amin ang isang kaibigan, nandu’n ang rating ng Eat Bulaga at ng It’s Showtime, nakaramdam kami ng awa kay Vice Ganda at sa mga kasamahan nitong hosts dahil parang wala nang nanonood sa kanila sa sobrang baba ng rating ng kanilang programa.
Isa ang tambalang AlDub sa nagpataob sa noontime show ng Dos, ang loveteam nina Yaya Dub at Alden Richards ay tumawid na hanggang sa iba-ibang bansa, pinagpipistahan-kinakikiligan ngayon ng buong bayan ang AlDub.
Ayon sa mga nakakausap namin ay aliw na aliw sila sa tambalan na hindi pa nagkikita nang personal. Hanggang sa split screen pa lang ang kanilang pagmamahalan.
Ayaw nilang mauwi si Yaya Dub kay Frankie Arenolli (Jose Manalo) gaano man ito kagusto ni Lola Nidora (Wally Bayola), dahil si Alden lang ang minamanok nila para sa dalaga.
Patok na patok sina Alden, Yaya Dub, Wally, at Jose ngayon. Sila ang sinusundan ng buong bayan, sila ang dahilan ng dagdag na pamamayagpag ng Eat Bulaga, kaya pinagagapang nila nang bonggang-bongga ang kanilang kalaban.