MMDA kinaimbyernahan sa pralala na 15 taon pa magdurusa ang mga Pinoy sa trapik

Nakakaloka naman ang mga television report at ang pralala ng MMDA na tatagal ng 15 years ang traffic problems sa Metro Manila.

Fifteen years ‘ha? Hindi 15 days, 15 weeks o 15 months!

Imbyernang-imbyerna ang taumbayan sa pralala ng MMDA dahil mahirap tanggapin na magdurusa pa ang lahat ng 15 years bago malutas ang kasumpa-sumpa na traffic situation sa Metro Manila.

Teka, bukod sa malala na problema sa trapiko, nawawala na ang mga bangketa na nilalakaran ng mga tao dahil sinakop na ng mga illegal vendor.

Dahil nawala na ang mga bangketa, napipilitan ang pedestrians na maglakad sa kalsada na another cause ng trapik.

Kung magagawi kayo sa Cubao, Aurora Boulevard area tuwing rush hour, ordinaryong eksena na ang mga tao na nasa gitna ng kalsada at nag-aabang ng mga masasakyan na jeep habang nowhere in sight ang mga traffic enforcer.

Lumilikha ng matinding trapik sa Aurora Boulevard at EDSA Cubao intersection ang mga tao na kinalimutan na ang disiplina dahil nasa gitna sila ng kalsada. Ano na ang nangyari sa kasabihan na “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan!”?

Lea lalayas na ng ‘Pinas pagkatapos na pagkatapos ng The Voice Kids!

Hinihintay lang ni Lea Salonga na matapos ang grand finals ng The Voice Kids dahil lilipad na siya pa-New York para sa Broadway musical na pagbibidahan niya.

Kei Kimura ang name ng karakter ni Lea sa Allegiance na inspired ng isang true story. Itatanghal ang Allegiance sa Broadway sa November 2015 kaya kailangan nang magbabu ni Lea sa Pilipinas para sa rehearsals niya sa New York.

Talent ni Paolo sa makeup transformation nagamit na rin sa kalyeserye

Pinag-usapan uli kahapon ang kalyeserye ng Eat Bulaga dahil sa pagpasok sa eksena ng bagong karakter, si Lola Tidora, ang twin sister ni Lola Nidora.

Riot ang mga eksena dahil kopyang-kopya ni Paolo Ballesteros ang mukha ni Wally Bayola as Lola Nidora.

I’m sure, matatagalan ang karakter ni Lola Tidora sa kalyeserye ng Eat Bulaga dahil gustung-gusto siya ng te­leviewers. Sa pangalan pa lang, obvious na kunsintidora si Lola Tidora sa love affair nina Alden Richards at Yaya Dub.

Talented talaga ang mga host ng Eat Bulaga dahil nakakapagpalit sila ng mga karakter as in hindi na kailangan ng mga special guest na artista.

Napakinabangan nang husto ang talent ni Paolo sa makeup transformation dahil nagaya niya ang mukha ni Lola Nidora. Sino ngayon ang magsasabi na magagandang babae lang ang nagagawa ni Paolo na kopyahin sa pamamagitan ng makeup transformation?

Sikat na aktres ginu-good karma sa pagsi-share ng blessings

Balak ng isang sikat na aktres na magpatawag ng thanksgiving lunch dahil humahataw sa ratings ang kanyang bagong television show.

Good karma ang aktres dahil sa paniniwala nito na dapat na ibinabahagi ang blessings sa lahat ng mga nakakatulong sa kanyang tagumpay, sa personal man o professional na aspeto ng buhay niya.

Hindi siya katulad ng ibang mga artista na mararamot at nuno ng kakuriputan dahil sinosolo nila ang tagumpay kapag meron silang mga hit movie at television show.

Unang gabi ni MariMar nag-trending

Nagpapasalamat si Megan Young sa lahat ng mga tumutok sa unang episode ng MariMar noong Lunes.

Maligayang-maligaya si Megan dahil nag-trending ang MariMar na isang good sign dahil inabangan ng televiewers ang remake ng kauna-unahang teleserye na pinagbibidahan niya.

Show comments