Hindi totoo ang tsikang binilhan ni Coco Martin ng bahay si Julia Montes. Si Julia mismo ang bumili at nagbayad ng bahay na binili niya sa village kung saan din nakatira ang aktor.
Hindi sila magkapitbahay, pero magka-village. Kay Coco nalaman ni Julia ang plus factors na nagbigay sa kanya ng dahilan para bilhin ang bahay na sinisimulan na nilang lipatan.
Hindi ibibenta ni Julia ang bahay na iiwan niya at ng pamilya niya sa Cainta. First investment niya ito kaya napakahalaga nito sa kanya, at may sentimental value.
Hindi sinlaki ng house ni Coco ang bagong house ni Julia but it offers the same convenience - tahimik, mahangin dahil maraming puno, at very private. Wala rin itong swimming pool o gym, pero sabi nga ni Kris Aquino nang mag-guest si Julia sa KrisTV, puwede siyang manghiram kay Coco.
Sa ngayon ay abala si Julia sa bago niyang project sa ABS-CBN na Doble Kara. Doble ang role niya sa serye kaya sinasabi niyang pinaka-challenging role niya ito at wala siyang sikat na kapareha. Dalawang baguhang aktor ang ibinigay sa kanyang para maging leading man na magpapahirap din sa kanyang trabaho dahil kailangan pumatok ang tambalan niya sa dalawa para matanggap sila ng manonood.
Fans ni Sarah ayaw paawat sa pagpoprotesta
Marami palang manonood ng The Voice Kids ang umalma dahil wala ni isa mang miyembro ng Team ni Sarah Geronimo ang pumasok sa grand finals ng maituturing na pinakapinanonood na amateur singing contest para sa mga bata. Dalawang artist nina coaches Lea Salonga at Bamboo ang pinili ng mga nagpadala ng text votes at maglalaban sa grand finals sa darating na Sabado, August 29-30.
Si Sarah mismo ang nagpalubag ng loob ng kanyang mga talunang miyembro sa pagsasabi na talagang may natatalo at nananalo sa anumang paligsahan.
Ang ipinagsisintir siguro ng mga follower ni Sarah ay wala ni isa man siyang artist na napili, samantalang ang mga manonood ang nagpasya kaya wala silang masisi at kailangang tanggapin ang pasya ng mga bumoto.
Imelda, Eva, at Claire may repeat concert
May bago na namang concert ang itinuturing na tatlong pinakamalalaking jukebox queens nung kapanahunan nila – sina Imelda Papin, Eva Eugenio, at Claire dela Fuente. Ang huli at ilang mga kaibigan niya ang prodyuser ng concert na pinagpasyahang gawin muli matapos ang matagumpay na pagsasama-sama ng tatlo last year.
Lubhang nabitin ang mga nanonood sa unang concert ng tatlo kaya humiling sila ng repeat. Magaganap ang pagsasamang muli ng mga legendary jukebox queens sa ika-31 ng Agosto sa Resorts World Manila.
Jennylyn inspirasyon sa mga sasali sa SS6
Sino nga naman ang mas karapat-dapat umupong judge sa bagong season ng StarStruck na magsisimula sa September 6 kundi ang isa sa pinakamatagumpay na produkto nito na si Jennylyn Mercado. Magiging malaking inspirasyon ang aktres sa lahat ng sasali sa reality search na nagprodyus din kina Maegan Young, Alden Richards, Yasmien Kurdi, Aljur Abrenica, at marami pang mga sikat na artista ngayon. Sina Dingdong Dantes, Joey de Leon, at Regine Velasquez ang magsisilbing host ng season 6 ng SS na panay na ang paghahanda sa airing nito sa susunod na buwan.
Arjo binawalan ang kapatid na pumatol sa lalaking taga-showbiz
Nagbigay ng palaisipan sa maraming tagasubaybay ng local showbiz at maging sa mga kapwa niyang artista ang bilin ni Arjo Atayde sa kanyang kapatid na si Ria Atayde at napapanood ngayon bilang teacher ni Jana Agoncillo sa pang-umagang teleserye na Ningning, na huwag na huwag itong makikipagrelasyon sa isang artista. Pero ayaw magsabi ni Arjo kung bakit ayaw niyang makipagrelasyon sa artista ang kapatid. Basta may dahilan daw siya kung bakit ayaw niya ng bayaw na hilaw na artista. Ang mahalaga ay sundin siya ng kanyang kapatid. ‘Yun lang!