Bea Binene nanguna sa NCAE, 99% ang iskor

MANILA, Philippines – Sa industriya ng show business, importante ang wais na paggamit ng oras. Kinakailangang may disiplina para matugunan ang lahat ng responsibilidad sa trabaho. Ang ganitong pangaral ang madalas marinig sa iba, pero mas madali itong sabihin kaysa gawin at inaamin ng GMA Artist Center star na si Bea Binene na mismong siya rin ay kadalasang nag­hahabol sa oras.

Kabi-kabila ang kanyang mga showbiz commitments, at minsan pa nga ay kinakailangan pa niyang magpunta sa mga probinsya para sa ilang regional tours at endorsement shoots, pero dahil sa kanyang pagsisikap at dedikasyon ay nagagawa pa rin niyang maglaan ng oras para sa kanyang negosyo, at punan ang mga kailangan sa kanyang pag-aaral.

Ngayon, nagbunga na ang kanyang paghihirap dahil sa National College Assessment Exa­mination (NCAE) ay nakakuha siya ng 99% puntos at nanguna sa lahat ng estudyante sa National Capital Region.

Sabik niyang ibinahagi ang kanyang karanasan nang malaman ang magandang balitang ito.

“Hindi ko in-expect, kasi I was just asking about the results of my exam, but [my teacher] told me that I ranked first. Hindi rin ako makapaniwala kaagad. Napakaagang birthday gift nito sa akin,” paliwanag ng Kapuso actress.

Ipagdiriwang ni Bea ang kanyang ika-18 na karaawan sa darating na Nob­yembre at tiyak na marami pang biyaya ang darating sa kanya. Isang magandang kinabukasan ang naghihintay sa Kapuso star dahil hindi lang siya basta may talento, masipag at matalino rin siya.

Show comments